Sa bawat hakbang sa pilapil ng Magsaysay, Occidental Mindoro, dala ni G. Rey Traballo ang bigat ng mga taon—isang balo, ama, at lider. Ngunit higit sa lahat, siya ay isang boluntaryong nag-aalay ng sarili para sa kapakanan ng kanyang komunidad.
Sa edad na 74, patuloy pa rin siyang nagsisilbing Barangay Sub-Project Management Committee (BSPMC) Chairperson ng KALAHI-CIDSS. Ang programang ito ay hindi lamang trabaho para sa kanya, kundi isang misyon na nagsisilbing gabay sa pagpapabuti ng kanilang komunidad.
Nagsimula siya bilang Participatory Situational Analysis (PSA) volunteer sa kanilang purok, at dahil sa kanyang ipinakitang dedikasyon, kalaunan ay nahalal bilang BSPMC Chairperson, kapalit ng naunang nagbitiw sa tungkulin.
Ang kanyang pagkakahalal ay dumaan sa bukas at demokratikong proseso ng botohan—isang malinaw na patunay ng tiwala ng kanyang mga kabarangay.
Isa sa mga hindi niya malilimutang hamon ay ang pagsisikap na makumpleto ang 80% household representation tuwing Barangay Assembly—isang mahalagang bahagi ng proseso sa KALAHI-CIDSS.
Dumaan din siya sa mga sitwasyong kailangan disiplinahin ang mga miyembro ng sub-project team, gaya ng pakyaw leader, na minsan ay humantong sa pagtanggap niya ng summon.
Sa kabila ng mga pagsubok, mas nangingibabaw ang mga aral na kanyang natutunan. Para kay G. Rey, ang pakikisama, pagtutulungan, at pagbubuklod ng komunidad ang tunay na puhunan sa isang matagumpay na proyekto.
Noong 2018, ginawaran siya ng “Bayani Ka Awardee” sa antas panrehiyon at pambansa bilang pagkilala sa kanyang hindi matatawaran na ambag sa mga aktibidad ng barangay at sa mga proyekto ng programa.
Hindi rin matatawaran ang mga bagong karanasan na naidudulot ng programa sa kanyang buhay. Bilang magsasaka at solong magulang, natutunan kong ang serbisyo sa komunidad ay parang pagtatanim—kahit pagod, tuloy lang para sa ani ng pagbabago. Sa tulong ng DSWD MIMAROPA at KALAHI-CIDSS, natuklasan ko ang liderato bilang pakikinig at pakikilahok para sa kaunlaran.
Ang buhay ni G. Rey ay patunay ng tunay na liderato—hindi nasusukat sa posisyon, kundi sa dedikasyon sa komunidad. Buong puso niyang sinusuportahan ang Community-Driven Development (CDD), isang pagkakataon para sa bawat mamamayan na maiangat ang kanilang buhay at magkaroon ng boses sa mga desisyon.
Story Contributor: Larry C. Marzo, Project Evaluation Officer II