Romblon, Romblon – Isang makabuluhang araw ng pagkatuto at pagkakaisa ang isinagawa noong Hunyo 13, 2025, sa mga Barangay ng Agbudia, Agtongo, at Lonos, kung saan tampok ang Youth Development Session para sa mga estudyanteng Grade 7 hanggang Grade 12 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa ilalim ng temang “Sustaining the Interest of the Children”, layunin ng sesyon na palalimin pa ang kaalaman at motibasyon ng mga kabataan upang manatiling aktibo sa pag-aaral, sa gitna ng mabilis na pagbabagong teknolohikal at mga hamon ng makabagong panahon. Ngunit bukod sa pagsustento ng interes sa edukasyon, tampok din sa programa ang isang mahalagang rider topic: “BIDA ANG KABATAAN SA DIGITAL BAYANIHAN: Cybersecurity Awareness Training and eGov App Orientation.”
Kabataan na Malay, Kabataan na Bida
Ang sesyon ay pinangunahan at isinagawa sa dedikasyon ni Olive Joy F. Tan, Municipal Link ng Romblon, na naging facilitator ng buong programa. Sa kanyang pambungad, sinabi niyang, “Hindi lang sapat na nag-aaral ang kabataan. Kailangang alam nila kung paano protektahan ang sarili—sa totoong buhay, at lalo na sa digital na mundo.”
Katuwang sa makabuluhang gawain ang mga SK Officials at Barangay Officials, na masiglang tumulong sa organisasyon at pagsasakatuparan ng aktibidad.
Konektado Ngunit Ingat
Isang highlight ng sesyon ay ang Cybersecurity Awareness Training na ibinahagi ni James Patrick G. Jordan, Planning Assistant I mula sa Cybersecurity Bureau at PNPKI Digital Certificate Division. Sa kanyang talumpati, inilahad niya ang mga panganib na maaaring kaharapin ng kabataan online—mula sa phishing, online scams, identity theft, hanggang cyberbullying.
“Kayo ang digital natives, pero kahit gano’n pa ka-advanced ang skills ninyo sa gadgets, dapat marunong kayong mag-ingat. Sa isang click lang, pwedeng mawala ang privacy at seguridad niyo,” ani Jordan.
Kasunod nito, tinalakay ni Wenna Mae Q. Foja, Information Systems Analyst II mula sa eGOV SD Project, ang mga benepisyo ng paggamit ng eGov app—isang hakbang tungo sa mas accessible at transparent na serbisyo publiko. Ang orientation ay layong ipakilala sa kabataan ang e-governance at kung paano nila ito magagamit sa hinaharap bilang responsableng mamamayan.
Higit pa sa Kaalaman
Maliban sa mga makabagong aralin, naging masaya at interaktibo ang buong aktibidad. Ang mga kabataan ay nakilahok sa mga diskusyon, icebreakers, at open forum kung saan malaya nilang naibahagi ang kanilang saloobin, tanong, at opinyon. Marami sa kanila ang nagpahayag ng pasasalamat dahil sa mga bagong kaalaman na kanilang natutunan.
“Hindi lang po ito basta seminar. Parang life lesson na rin po ito. Ngayon, alam na naming mas maging maingat sa internet, at mas aware na kami kung ano ang papel namin bilang kabataan sa bayan,” ani Angelica, isang Grade 10 student mula sa Brgy. Agbudia.
Pagkaisa ng Barangay, Pag-asenso ng Kabataan
Sa pagtatapos ng sesyon, dama ang inspirasyon sa mukha ng bawat kabataang lumahok. Sa likod ng kanilang mga tanong at kwento ay ang pagkauhaw sa kaalaman at pagnanais na umunlad—hindi lamang para sa sarili, kundi para sa kanilang pamilya at komunidad.
Ang programang ito ay malinaw na patunay na kapag ang pamahalaan, barangay, at kabataan ay nagsama-sama, tunay na may silbi at saysay ang bawat inisyatibo. Sa panahon ng digital age, kailangang matuto ang kabataan hindi lang maging aktibo, kundi maging responsable, ligtas, at may malasakit.
Dahil sa 4Ps at mga katuwang nitong programa, hindi lamang napapanatili ang interes ng mga kabataan—napapalawak pa ang kanilang pananaw sa mas makabago at makabuluhang direksyon.
Lalo ngang napatunayan na sa makabagong panahon, bida pa rin ang kabataang may kaalaman at malasakit.