Magsaysay, Occidental Mindoro – Sa likod ng bawat diploma ay isang kwento ng sakripisyo at determinasyon. Ngunit ang kwento ni Kate Hillary D. Condez, isang 4Ps monitored child, ay higit pa sa isang kwento ng personal na tagumpay—ito ay kwento ng isang pamilyang Pilipino na nagtagumpay laban sa kahirapan sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Noong Hunyo 10, 2025, nagtapos si Kate ng kursong Bachelor of Science in Office Administration mula sa Occidental Mindoro State College. Ngunit higit sa pagiging degree holder, siya ay Cum Laude at Top 1 sa mga benepisyaryo ng CHED Tertiary Education Subsidy (TES). Isang karangalang higit pa sa inaasahan mula sa isang kabataang minsang nangangarap lang sa tahimik na bayan ng Magsaysay.
“Ngayon, nakapagtapos na ako sa kolehiyo at kauna-unahang degree holder sa aming pamilya. Ang dating akala namin ay hindi kakayanin, ngunit dahil sa suporta ng 4Ps, hindi ito naging malabong makamit,” ani ni Kate.
“Taos-puso po akong nagpapasalamat sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program dahil kayo po ang nagsilbing tulay tungo sa aking mga pangarap. Naging malaking tulong ito sa amin. Ang mga cash grants, lalo na tuwing enrollment, ay ginamit namin sa pagbili ng mga gamit sa eskwela at pamasahe. Pero higit sa pera, ang pinakamalaking naitulong sa akin ay ang inspirasyon na hindi kami nag-iisa sa laban.”
Bilang kauna-unahang degree holder sa kanilang pamilya, si Kate ay nagsilbing huwaran sa kanilang komunidad. Ang kanyang tagumpay ay bunga hindi lamang ng sariling sikap kundi ng matibay na suporta ng kanyang mga magulang—isang suportang naitaguyod dahil sa 4Ps. Sa pamamagitan ng programang ito, natutunan nilang yakapin ang kahalagahan ng edukasyon, disiplina, at responsibilidad bilang magulang at miyembro ng komunidad.
“Maraming beses naming inisip na baka hindi namin kayanin. Pero sa tuwing dumadating ang tulong mula sa 4Ps, hindi lang po ito pera. Ito po ay paalala na hindi kami nag-iisa,” dagdag pa ni Kate.
Bilang bahagi ng FDS, ang kanyang pamilya ay lumahok sa mga araling tumatalakay sa tamang pagpapalaki ng anak, kalusugan, at kabuuang pag-unlad ng pamilya. Sa tulong nito, nabuo ang isang pamilyang suportado ang bawat isa, kahit sa gitna ng mga hamon sa buhay.
Ayon sa Municipal Link ng kanilang lugar, “Si Kate ay hindi lamang aktibo sa pag-aaral kundi sa mga aktibidad din sa komunidad. Isa siyang ehemplo ng isang kabataang 4Ps na hindi lang tumanggap ng benepisyo, kundi ginamit ito upang magtagumpay at maging inspirasyon.”
Ngayon, siya na ang magiging gabay ng kanyang pamilya tungo sa mas maginhawang kinabukasan. Mula sa pagiging 4Ps child handa na niyang harapin ang mundo—at mas mahalaga, handang magsilbing liwanag sa mga kabataang nangangarap ding makaahon.
Ang tagumpay ni Kate Hillary Condez ay isang patunay na sa tulong ng 4Ps, ang pangarap ay hindi lamang mananatiling panaginip. Sa wastong suporta, tamang impormasyon, at matibay na loob, ang bawat bata ay may kakayahang magtagumpay—anumang estado sa buhay.