Sa likod ng malawak na bukirin at kabundukan ng Barangay Purnaga sa Magsaysay, Occidental Mindoro, unti-unting umusbong ang isang tahimik ngunit makabuluhang kilusan — ang pagtutulungan ng mga benepisyaryo ng
Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamamagitan ng anim (6) na School-Based Community Gardens na nagbibigay buhay at pag-asa sa kanilang komunidad.

Sa harap ng patuloy na paglaki ng populasyon at limitadong pinagkukunan ng pagkain, pinatunayan ng mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps sa Purnaga na posible ang sapat na pagkain at nutrisyon kung magtutulungan. Kaakibat ng tema ng Buwan ng Nutrisyon ngayong taon, “Food at Nutrition Security, Maging Priority! Sapat na Pagkain, Karapatan Natin!”, sinimulan nila ang hardin bilang tugon sa pangangailangan ng komunidad — hindi lang para sa panandaliang solusyon kundi para sa pangmatagalang seguridad sa pagkain.

MGA HARDIN NA NAGBIBIGAY PAG-ASA

Ang anim na school-based community gardens na ito ay nagbibigay ng libreng, sariwa, at lokal na tanim na gulay para sa mga residente. Layon nitong maging karagdagang suporta sa pagkain ng mga bata sa paaralan at sa mga feeding program, lalo na sa mga upland area kung saan limitado ang mapagkukunan ng pagkain at mataas ang kaso ng malnutrisyon.

Bukod sa libreng gulay, natututo rin ang komunidad na mag-recycle ng kitchen scraps at food waste bilang natural na pataba, kaya’t mapapalaganap ang sustainable at organikong pamamaraan ng pagtatanim. Sa ganitong paraan, hindi lamang tinutugunan ang gutom — na itatanim din ang disiplina at kaalaman para sa mas maayos na kinabukasan.

MALAWAK AT MABUNSOD NA TANIMAN

May sukat na 200 hanggang 300 metro kwadrado ang bawat communal garden. Sama-samang pinaplano ito ng mga miyembro ng komunidad sa pamamagitan ng mga Focus Group Discussion at sunod-sunod na pagpupulong upang tiyakin na tuloy-tuloy ang sigla at ani ng hardin.

Nagtatanim sila ng mahigit 25 uri ng gulay at 11 uri ng halamang-gamot. Kabilang dito ang papaya, malunggay, kangkong, gabi, ampalaya, talong, linga, kamote, mani, patola, sitaw, kalabasa, labanos, pechay, pipino, okra, sigarilyas, kamatis, kadios at mais. May mga puno rin ng saging, mangga, kalamansi, at kaimito. Mga halamang-gamot gaya ng luya, turmeric, oregano, kamangi, talampunay, bawang at herba buena ay tumutulong laban sa peste at nagpapalakas ng immune system ng komunidad.

4Ps: KAAGAPAY SA PAGTATAG NG HARDIN NG BAYAN

Sa likod ng bawat tanim na gulay at halamang-gamot ay ang di-mabilang na oras ng bayanihan at sipag ng mga miyembro ng 4Ps. Sa pamamagitan ng cash grants at mga community empowerment activities ng 4Ps, nagkaroon sila ng inspirasyon, kaalaman, at suporta para maisakatuparan ang ganitong proyekto.

Ang mga hardin na ito ay hindi lang taniman kundi tanikala ng pagkakaisa — bawat buto na itinanim ay simbolo ng pag kapit-bisig, disiplina, at pag-asang maipapasa sa susunod na henerasyon.

HARDIN NG KOMUNIDAD, HARDIN NG PAG-ASA

Hindi ito simpleng gulayan — ito ay hardin ng pag-asa. Dito muling bumabalik ang diwa ng bayanihan at malasakit sa isa’t isa. Wala itong kompetisyon, kundi sama-samang layunin na palakasin ang bawat tahanan laban sa gutom at malnutrisyon.

Sa Barangay Purnaga, pinapatunayan ng 4Ps na ang tunay na yaman ay hindi lamang ani, kundi ang sama-samang lakas at pag-asa na hatid ng isang gulayan na pinagyayaman ng buong komunidad.

Loading