San Vicente, Palawan — Isang araw ng pagbubunyi, pasasalamat, at inspirasyon ang idinulot ng PAGPUPUGAY 2025 na ginanap noong Hunyo 27, 2025 sa New Agutaya Elementary School, kung saan pinarangalan ang 88 batang benepisyaryo ng 4Ps na nagtamo ng mataas na karangalan sa kanilang pag-aaral.

Kasama ng mga magulang at guro, dumalo rin sa programa ang mga kinatawan mula sa MSWDO, District Principal, PNP, Barangay Captain ng New Agutaya, at Civil Society Organization (CSO) bilang suporta sa adhikain ng aktibidad: kilalanin ang bawat batang nagsumikap, at ang bawat magulang na tumayong ilaw at gabay ng kanilang tagumpay.

“Hindi lang ito simpleng parangal. Isa itong pagkilala sa determinasyong kayang bumangon mula sa kahirapan—at sa pamilyang naniniwala na ang edukasyon ang tunay na pamana,” saad ni Municipal Link Shena Maniago.

Ang PAGPUPUGAY ay taon-taong isinasagawa bilang selebrasyon ng academic excellence ng mga batang 4Ps, kasabay ng pagpapatibay ng mensaheng: “Ang mahirap ay kayang magtagumpay, basta’t may sipag, suporta, at pangarap.”

Isa-isang tinawag ang mga bata upang tumanggap ng sertipiko, yakap ng magulang, at palakpakan mula sa buong komunidad—isang simpleng sandali na nagsilbing patunay na ang bawat gabing walang kuryente, ang bawat palengke na pinag-ipunan ng baon, at ang bawat araling inaral ng may gutom ay may bunga.

Hindi rin nakalimutan ang mga magulang na naging kaagapay sa bawat hakbang. Tinuring silang haligi ng tagumpay, at binigyang pugay ang kanilang sakripisyo at walang sawang suporta.

Sa pagtatapos ng programa, baon ng bawat isa ang di malilimutang alaala—at ang panibagong inspirasyong ipagpatuloy ang laban tungo sa magandang kinabukasan.

Ang PAGPUPUGAY ay paalala na sa likod ng bawat medalya, may mga magulang na nanalangin, may mga anak na nagsumikap, at may programang handang umalalay sa bawat Pilipinong nangangarap.

Ang tagumpay nila ay tagumpay din ng Programa at maging ng buong Departamento.

 

Loading