Sa paanan ng kabundukan ng Sitio Viakalan sa Barangay Villa Cerveza, Victoria, Oriental Mindoro, nakatira si Baynay Tintin Manday — isang 43-anyos na Hanunuo Mangyan, solo parent ng limang anak, at simbolo ng pagbabago na nagsimula sa isang programang nagbibigay sa kanya ng pag-asa: ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Mula sa Hamon ng Buhay tungo sa Pag-angat
Bago pa man siya makilala bilang lider at tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo, si Baynay ay isang ina na patuloy na lumalaban sa araw-araw. Bilang isang Hanunuo Mangyan at hiwalay sa asawa, kinailangan niyang magsumikap para mapakain, mapaaral, at pangalagaan ang kanyang limang anak.
Ngunit hindi siya bumitaw. Sa bawat hirap, pinanghawakan niya ang paniniwalang may pag-asa pa… Hanggang sa dumating ang pag-asang iyon nang maging bahagi siya ng 4Ps noong 2011.
Simula ng Pagbabago
Para kay Baynay, ang 4Ps ay hindi lamang tulong-pinansyal. Ito ay bintana ng bagong pananaw. Sa pamamagitan ng mga Family Development Sessions (FDS), natutunan niyang pahalagahan ang edukasyon, kalusugan, at pagiging responsableng magulang. Ang mga aral sa FDS ay naging gabay niya sa pagharap sa mga pagsubok at ginamit niya ito upang tulungan ang iba pang katutubong pamilya sa kanilang lugar.
Mula sa pagiging simpleng benepisyaryo, si Baynay ay naging 4Ps Parent Leader sa Sitio Viakalan, kung saan ginampanan niya ang tungkulin bilang tulay ng mga benepisyaryo sa programa. Siya ang naging tinig ng mga katutubong pamilya, nagtuturo, naggagabay, at nag-aangat sa iba tulad ng pag-angat niya sa sarili.
“Ang 4Ps ang nagturo sa akin kung paano maging matatag, paano tumulong, at paano magtiwala sa sarili,” ani Baynay. “Hindi lang kami tinulungan; tinuruan din kami kung paano tumayo sa sarili naming paa.”
Edukasyon at Pangarap
Ang mga aral ng 4Ps ay nagbigay-lakas kay Baynay na tuparin ang matagal na niyang pangarap — ang makapagtapos ng pag-aaral. Sa edad na 38, muli siyang nagbalik sa eskwela at pumasok sa Grace Mission College, kung saan tinapos niya ang kursong Bachelor of Secondary Education, Major in English.
Habang ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang solo parent, Parent Leader, at Barangay Health Worker, matagumpay siyang nagtapos noong 2024. Isang kwento ng tiyaga at determinasyon na nagsasabing: hindi kailanman huli para mangarap.
Serbisyong may Puso
Sa ngayon, si Baynay ay Mangyan Affairs Staff sa Munisipyo ng Victoria sa loob ng siyam na taon— isang posisyong hindi lamang trabaho, kundi misyon. Siya ang tinig ng mga Hanunuo Mangyan, tinitiyak na ang kanilang karapatan at pangangailangan ay naririnig at natutugunan.
Hindi rin niya kinalimutan ang ugat ng kanyang paglilingkod. Bilang Barangay Health Worker (BHW), siya ang unang nilalapitan ng mga kabarangay kapag may karamdaman o pangangailangan sa kalusugan. Mula 2020, pakikibahagi rin siya sa mga medical mission ng mga internasyonal na grupo — mula sa simpleng pag-aabot ng gamot hanggang sa pagbibigay ng pag-asa.
Pagtataguyod sa Kultura at Kahandaan
Ang pagmamahal ni Baynay sa kanyang pagka-Mangyan ay lalong pinagtibay ng hirangin siyang “IP Queen” sa isang lokal na patimpalak. Simbolo ito ng kanyang dedikasyon sa pagpapanatili ng kultura ng Hanunuo Mangyan.
Sa tulong ng kanyang Municipal Link sa 4Ps, natutunan din niya ang kahalagahan ng “E-Balde” emergency kit, isang simpleng inisyatiba para sa kahandaan sa sakuna. Mula noon, siya mismo ang nanguna sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa disaster preparedness sa kanilang komunidad.
Isang Kwento ng Pag-asa at Pagbabago
Ngayon, itinuturing si Baynay Tintin Manday bilang isa sa mga haligi ng komunidad ng Hanunuo Mangyan — isang babaeng binago ng 4Ps at ngayo’y tagapagbigay ng pagbabago sa iba.
Ang kanyang kwento ay patunay na kapag ang tulong ay sinabayan ng sipag, pag-asa, at malasakit, kaya nitong magbago hindi lamang ng buhay ng isang tao, kundi ng buong komunidad.
“Ang 4Ps ang naging daan para maabot ko ang mga pangarap ko,” wika ni Baynay. “Ngayon, ako naman ang tutulong sa iba para maabot din nila ang sa kanila.”
Sa puso ng kabundukan ng Mindoro, patuloy na nagliliwanag ang pangalan ni Baynay Tintin Manday — isang Hanunuo Mangyan, isang huwarang ina, at isang tunay na inspirasyon ng 4Ps.
![]()

