Isang patunay ng sipag, tiyaga, at determinasyon ang tagumpay ni Kesia Ebacitas Almodal, dating batang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa bayan ng Lubang, Occidental Mindoro.

Si Kesia ay panganay sa tatlong anak nina G. Vicente Almodal Jr. at Gng. Amelita Ebacitas. Sa kabila ng mga hamon sa buhay, hindi naging hadlang ang limitadong pinagkukunang-yaman upang makamit niya ang kanyang mga pangarap.

Noong Oktubre 2024, siya ay nagtapos ng Bachelor of Science in Electronics Engineering sa Polytechnic University of the Philippines – Sta. Mesa. Sa kanyang pamamalagi sa pamantasan, nakamit niya ang mga karangalang President’s Lister (1st Semester 2020–2021 at 2021–2022, 2nd Semester 2022–2023) at Dean’s Lister (2nd Semester 2021–2022, 1st Semester 2022–2023). Bukod dito, siya rin ay nagsilbing Sector 5 Chairperson para sa taong 2023–2024 — patunay ng kanyang aktibong partisipasyon at pamumuno sa unibersidad.

Mula elementarya hanggang sekondarya, kabilang si Kesia sa mga batang minomonitor ng 4Ps sa aspeto ng edukasyon. Nagtapos siya bilang 5th Honorable Mention noong elementarya at Salutatorian noong sekondarya sa pampublikong paaralan sa Lubang.

Dahil sa kanyang determinasyon, siya ay napabilang sa mga academic scholar ng Lubang and Looc International, isang pribadong organisasyon na tumulong upang maipagpatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo.

At sa katatapos lamang na Electronics Engineering Licensure Examination at Electronics Technicians Licensure Examination noong Oktubre 18–20, 2025, matagumpay na naipasa ni Kesia ang parehong pagsusulit — isang bihirang karangalan sa kanyang larangan.

Ang kanyang tagumpay ay isang inspirasyon hindi lamang sa mga kapwa 4Ps beneficiaries, kundi sa bawat kabataang may pangarap. Patunay ito na sa tulong ng programa, pagsisikap ng pamilya, at matibay na pananalig, kayang tumawid mula sa kakulangan patungo sa tagumpay.

Loading