Sa paanan ng kabundukan ng Bansud, Oriental Mindoro, sa isang maliit na sitio na tinatawag na Apnagan, matatagpuan ang isang pamilya na tunay na sumasayaw sa indayog ng buhay—ang Pamilyang Awang, mga katutubong Mangyan na nagsabuhay ng kahulugan ng pag-asa, determinasyon, at pagbabago.
Hindi sementado ang kanilang unang tahanan. Ang dingding ay yari sa buli at kawayan, ang sahig ay lupa, at ang silid ay iisa—pinagsamang kusina, sala, at tulugan. Subalit sa gitna ng payak na pamumuhay, hindi kailanman nawala sa mag-asawang Caleb at Helen Awang ang ritmo ng pag-asa.
“Ang kahirapan ay parang tugtugin. Maaari kang sumabay o sumuko. Pinili naming sumabay,” wika ni Helen, habang inaalala ang panahong tanging saging at kamote ang laman ng kanilang hapag.
Ang Unang Hakbang: Pagbangon sa Bawat Indayog
“Mahirap, dahil nakasalalay sa lakas ng aking katawan ang ipapakain ko sa pamilya ko at gayundin sa ipantutustos namin sa pang-araw-araw,” pagbabalik-tanaw ni Caleb habang inaalala ang mga panahong halos wala silang makain. Kapag siya ay nagkakasakit, wala silang kita, at kung minsan ay wala ring maihain sa mesa kundi ang bunga ng bundok — saging, balinghoy at iba pang makakain mula sa kalikasan.
Kaya’t bilang haligi ng tahanan, pinasukan niya ang anumang trabahong maaring pagkakitaan—konstruksyon, sagingan, o pag-upa sa mga Tagalog. Ang bawat patak ng pawis ay tugon sa pangarap na maitaguyod ang pamilya.
Ngunit dumating din ang panahong kinailangang magtrabaho si Helen sa Maynila bilang kasambahay. Malayo man sa kanyang mga anak, tiniis niya ang pangungulila upang may maipadala sa kanila. Hanggang sa taong 2009, nang maging benepisyaryo sila ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang unang pagkakataon na maramdaman nilang may gobyernong nakaalalay sa kanila.
Ang Panibagong Kumpas: Pagsibol ng Pag-asa
Ang 4Ps ang naging himig ng pagbabago para sa kanila. Sa tulong ng Family Development Sessions (FDS), natutunan nila ang halaga ng komunikasyon, tamang pagpapalaki, at pagpaplano para sa kinabukasan.
Dito unti-unting nagbago ang direksyon ng kanilang sayaw. Si Helen ay nakapagtapos ng Bachelor of Elementary Education at sa kabila ng limang beses na pagsubok, tuluyang nakapasa sa Licensure Examination for Teachers noong 2022. Mula sa pagiging Day Care Worker, siya ngayon ay PAPASAKA teacher sa Apnagan Elementary School, nagtuturo sa mga batang katutubo tulad niya noon.
Si Caleb naman ay school guard sa parehong paaralan, patunay na ang haligi ng tahanan ay hindi lang tagapagtanggol ng pamilya, kundi tagapangalaga rin ng edukasyon sa komunidad.
Ang Musika ng Pagbabago: Mga Anak na Huwaran
Ang kanilang tatlong anak ay tila mga nota sa awit ng tagumpay ng pamilya:
- Callen Grace, ang panganay, ay lisensyadong midwife at boluntaryong kasapi ng German Doctors, tumutulong sa mga maysakit sa mga liblib na lugar.
- Kietly Zyrel, ang pangalawa, ay nagtapos ng Education at ngayon ay volunteer teacher sa Bongabong, bilang paraan ng pagbabalik sa tulong ng 4Ps at pamahalaan.
- Kyle Anthony, ang bunso, ay Grade 12 student na mahusay sa akademiko at sports — bunga ng inspirasyon mula sa mga magulang na hindi sumuko.
Ang Himig ng Paglilingkod
Hindi lang sa tahanan umaalingawngaw ang tugtugin ng Pamilyang Awang. Aktibo silang lahat sa simbahan—si Helen bilang choir instructress, si Caleb at Kyle bilang mga musikero, at sina Callen at Kietly bilang mga mang-aawit.
Para sa kanila, ang pag-awit ay panalangin, at ang serbisyo ay pasasalamat. Ang bawat himig na kanilang tinutugtog ay paalala na ang tunay na tagumpay ay nasusukat hindi sa yaman, kundi sa kung gaano karaming buhay ang kanilang naaabot.
Ang Pinakahuling Tugon: Pagkakaisa at Pananampalataya
Ngayon, ang dating bahay na yari sa kawayan ay sementado na. May palikuran, maayos na upuan, at mga kagamitan sa pag-aaral ng mga anak. Ngunit higit sa lahat, matatag na samahan at pananampalataya ang pundasyon ng kanilang tahanan.
“Hindi nasayang ang tulong ng gobyerno sa amin. Ang 4Ps ay hindi lang tulong-pinansyal—ito ay tulay patungo sa mas magandang kinabukasan,” ani Helen.
Sa bawat indayog ng buhay, patuloy silang sumasayaw—hindi upang takasan ang unos, kundi upang yakapin ito nang may tapang, tiwala, at pananampalataya.
Ang Pamilyang Awang ay patunay na kahit sa gitna ng kahirapan, ang isang Indigenous family ay kayang sabayan ang tugtugin ng pag-unlad—isang sayaw ng pag-asa, isang awit ng inspirasyon para sa buong komunidad ng Bansud, Oriental Mindoro.
![]()








