Ang Natatanging Tagumpay ni Michelle R. Saporna
Sa liblib na sulok ng Barangay Daykitin sa Buenavista, Marinduque, may isang babaeng tahimik ngunit matatag na nagpapatunay na ang tunay na lider ay hindi humahanap ng entablado, kundi pagkakataong makatulong. Sa bawat pag-arangkada ng araw, sa ingay ng kalderong pinapainit para sa feeding program, at sa pag-ikot ng kanyang tsinelas sa mga bahay ng kapitbahay, abala si Michelle R. Saporna sa paglilingkod na hindi niya kailanman inakalang magiging daan tungo sa kanyang natatanging tagumpay.
Pero bago siya kilalanin bilang 1st Place – Provincial Natatanging Parent Leader, bago siya maging Barangay Health Worker, bago mabinyagan ang kanyang pangalan sa mga programa at proyekto, si Michelle ay isang simpleng ina lamang na may malaking pangarap para sa kanyang mga anak.
At dito pumasok ang programang nagbigay liwanag sa kanyang landas: ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Isang Lider na Hindi Hinahanap ang Posisyon, Kundi Layunin
Hindi kailanman tungkol sa titulo ang kanyang intensyon. Ngunit sa loob ng limang taon, ipinakita niya kung paano maging lider na may puso.
“Ang pagiging lider ay hindi nasusukat sa taas ng pinag-aralan o laki ng posisyon, kundi sa laki ng puso at malasakit sa kapwa,” saad ni Michelle — at ito ay mismong buhay niya ang nagpapatunay.
Bilang Parent Leader, hindi lamang siya nagsisilbing tagapagpaalala tungkol sa FDS o koordinasyon sa Municipal Link. Siya ang gabay, kausap, kakampi, at minsan pa nga ay kanlungan ng mga magulang na may pinagdaraanan.
Kapag may problemang pinansyal o may batang hindi pumapasok, hindi siya nagpapadala ng mensahe, personal siyang naglalakad, nagbubukas ng pinto, at nagbibigay ng lakas ng loob.
Kung Saan Siya Dinala ng 4Ps: Disiplina, Serbisyo, Pagbabago
Ang 4Ps ang unang nagtanim ng binhi ng liderato kay Michelle. Sa mga FDS, unti-unti siyang nahubog. Doon niya nagsimulang unawain ang kahalagahan ng responsableng pagiging magulang, wastong paggastos ng grant, at edukasyon ng bata.
Dahil dito, kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa kanyang disiplina.
Makailang ulit siyang pinuri sa kanyang “kasipagan, oras, at pagiging maaasahan,” ayon sa kanilang Provincial Link. Dagdag pa rito, kinilala ang kanyang integridad—“isang lider na inuuna ang kapakanan ng kanyang miyembro kaysa sarili.”
Kung hindi dahil sa 4Ps, ang kanyang kakayahang mamuno at magserbisyo ay maaaring hindi nailabas, hindi nakilala, at hindi naipagpatuloy.
Ang Ina na Nagluluto ng Pag-asa
Pinakakapit-bisig ng kanyang komunidad ang programang Karinderya Para sa Healthy Pilipinas, at si Michelle ang isa sa pinakamasigasig na kusina ng pag-asa.
Siya mismo ang naghihiwa ng gulay, nag-iinit ng kalan, at nagluluto ng pagkain para sa malnourished na bata. At hindi dito nagtatapos: may mga batang kapitbahay na hindi man bahagi ng programa, ay pinapakain niya nang libre.
Para kay Michelle, “ang bawat pagkaing naibabahagi ng proyektong ito ay isa pong paraan para masiguro na walang batang aalis ng bahay nang gutom.”
Walong bata ang gumaling at nakaalis sa listahan ng malnourished—isang tagumpay na kinilala niya hindi bilang kanya, kundi bilang pag-asa ng komunidad.
Isang Ina, Isang Lingkod, Isang Natatanging Pilipina
Sa dami ng kanyang tungkuli: Parent Leader, Barangay Health Worker, miyembro ng WOPIC, katuwang ng DOH, DA, MDRRMO, at BNS—may isang papel siyang hindi kailanman binitawan: ang pagiging ina.
Sa tulong ng 4Ps, natutukan niya ang regular na pagpasok at pangangailangan ng kanyang mga anak. Naging sandigan niya ang grant bilang suporta sa gastusin, lalo na sa pag-aaral ng kanilang panganay na kasalukuyang nasa kolehiyo.
Sa kanyang sariling salita, ipinakita niyang ang 4Ps ay hindi lamang programa—ito ay tulay para pagtibayin ang disiplina ng mga magulang at pangarap ng kabataan.
Pananampalatayang Nagpapatatag, Paglilingkod na Nagpapagaan
Ang kanyang karisma at kababaang-loob ay may pinaghuhugutan. Aktibo siyang miyembro ng Iglesia Filipina Independiente, at kasama sa Women of the Philippine Independent Church (WOPIC), kung saan, ang pananampalataya ang nagsisilbing gabay at lakas niya sa araw-araw na paglilingkod.
Sa tuwing may outreach, feeding program, o pagtitipon ng simbahan—nandoon siya. Tahimik, ngunit palaging naroon.
Ang Mestisang Pinatunayan na Ang Simpleng Ina ay Kayang Magbago ng Komunidad
Sa buong Daykitin, hindi na lamang siya tinatawag na “Parent Leader Mitch.” Tinatawag siyang ilaw, tulay, sandigan, kababaihang dapat pamarisan.
Sa huli, ang kanyang kuwento ay hindi lamang personal na tagumpay. Ito ay patunay na kapag ang isang ina, binigyan ng tamang suporta, tamang programa, at tamang pagkakataon, kayang baguhin hindi lamang ang kanyang pamilya kundi ang buong komunidad.
“Hindi ko tinitingnan ang paglilingkod bilang obligasyon, kundi bilang handog sa Diyos at sa kapwa.”
– Michelle R. Saporna
![]()




