Sa isang tahimik na kanto ng Barangay Pagalagala sa Pinamalayan, Oriental Mindoro, may isang tindahang payak sa paningin, ngunit sa mga pader nito ay nakasiksik ang tapang, pag-asa, at kwento ng isang inang hindi kailanman sumuko.

Sa likod ng mga bilao ng tinapay, garapon ng kape, at mga de-lata na nakahanay nang maayos, naroon si Aling Gliceria Siazon, isang dating guro, na ngayo’y negosyanteng ina, matatag, masipag, puspos ng pag-asa. 

Matapos pumanaw ang kanyang asawa, mag-isa niyang itinaguyod ang dalawang anak na parehong nasa kolehiyo. Sa pagnanais niyang lumaki ang kanyang kita upang matustusan ang mga pangangailangan, tuluyan niyang nilisan ang pagtuturo at sinubukan na magkaroon ng sariling negosyo.

Nagsimula siya sa buy-and-sell ng frozen foods, food vending, at kalaunan ay nagtayo ng isang loading station. 

Ngunit gaya ng maraming munting negosyo na nagsisimula pa lamang, unti-unting kinapos ang kanyang puhunan. Dumami ang kailangan bayaran, lumiit ang kita, at isang araw, napagtanto na lamang niyang mas marami pa ang utang kaysa tubo. Kaya sa puntong iyon, halos panghinaan na siya ng loob.

Hanggang sa dumating ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD Field Office MIMAROPA, dala ang liwanag at pag-asa na matagal na niyang hinihintay. Sa tulong na Php15,000.00 tulong kabuhayan na nagsilbing isang bagong puhunan, muli niyang binuhay ang kanyang tindahan. Pinuno niya ito ng bagong paninda, inayos ang bawat sulok, at muling binuhay ang pag-asang halos mawala na.

Simula noon, hindi na siya muling nabaon sa utang. Hindi man malaking negosyo, ngunit ito ay sapat na… sapat para maipagpatuloy ng kanyang mga anak ang pag-aaral, sapat upang mabili ang ilang gamit sa bahay, at higit sa lahat, sapat para muling tumibay ang loob ng isang inang minsang nanghina.

“Ang puhunan, marapat lamang na alagaan at gamitin sa tama upang lumago. Huwag susuko lalo na kung para sa pamilya.”, wika niya na ngayo’y inspirasyon ng kanilang barangay.

Ang kwento ni Aling Gliceria ay higit pa sa isang maliit na sari-sari store. Ito ay kwento ng isang inang kumapit sa pag-asa kahit nalulunod sa pagsubok. Isang kwento ng pagbangon mula sa pagkalugmok, paglalakad sa gitna ng unos, at patuloy na pag-abot sa liwanag para sa kanyang mga anak.

Sa kanyang munting tindahan sa Pagalagala, bawat benta, bawat sukli, at bawat ngiti ay paalala na may isang inang naglalako — hindi lamang ng paninda, kundi ng pag-asa, lakas ng loob, at paniniwalang kaya niyang manatiling matatag para sa kanyang pamilya.

Loading