Patuloy na pinalalakas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office MIMAROPA ang pagbibigay ng tama at napapanahong impormasyon sa mga komunidad sa pamamagitan ng matagumpay na Information Caravan na isinagawa ngayong araw, Disyembre 11, sa Barangay Tawiran Covered Court, Calapan City.
Isa sa mga pangunahing tinalakay ang Tamang Tulong sa Tamang Impormasyon (3Ti) Campaign na ipinresenta ni Ferdinand N. Ranada, DSWD MIMAROPA Regional Information Officer. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng wasto at responsableng pagbabahagi ng impormasyon upang labanan ang pagkalat ng maling balita at mapalakas ang tiwala ng publiko sa mga programa ng ahensya.
Nagbigay rin ng mahahalagang updates si Information Officer Marieneth L. Malubag tungkol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Tinalakay niya ang kasalukuyang implementasyon ng programa, mga paalala para sa mga benepisyaryo, at ang mga kumakalat na fake news at 4Ps myths. Ipinaliwanag niya kung paano ito pabulaanan gamit ang opisyal na polisiya at wastong impormasyon upang maiwasan ang kalituhan at masiguro na tama ang kaalamang tinatanggap ng mga pamilya.
Ipinaliwanag naman ni Cyrell Justine Roda, Social Welfare Assistant ng Tara, Basa Tutoring Program (TBTP), ang papel ng programa bilang isang developmental at community-based social protection intervention na nagbibigay ng suporta sa low-income families at college students. Sa pamamagitan ng cash-for-work scheme, nagiging tutors at Youth Development Workers (YDW) ang kabataang kalahok, na hindi lamang kumikita kundi nagiging aktibong bahagi rin ng nation building habang tinutulungan ang mga batang magbasa at umunlad sa kanilang pagkatuto.
Tinalakay rin ni Ma. Wilma Guevara, Area Coordinator, ang programang Peace and Development: Buong Bansa, Mapayapa, isang pambansang inisyatibang naglalayong makamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng socio-economic support, healing, at reintegration ng mga dating kasapi ng conflict groups. Alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP), layunin nitong lumikha ng inklusibong pag-unlad sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay, puhunan, at life skills upang makabuo ng produktibong mamamayan at matatag na komunidad, lalo na sa mga lugar na naapektuhan ng hidwaan.
Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang DSWD sa patuloy na suporta ng kanilang mga katuwang sa aktibidad tulad ng Pampamayanang Mangyan Ugnayan Inc. (PMUI) na nagkaloob ng 50 kilograms ng bigas, Roxas Market Multi-purpose Cooperative na nagbigay ng 120 packs na dried canton, at Actigen Marketing Corporation – Yakult Philippines na naghandog ng 100 health drinks para sa mga benepisyaryo.
Kaisa rin sa tagumpay ng aktibidad ang Barangay Local Government Unit ng Tawiran, Lokal na Pamahalaan ng Calapan City, at Philippine Information Agency – Oriental Mindoro.
Sa pamamagitan ng Information Caravan, muling pinagtitibay ng DSWD MIMAROPA ang pangako nitong Serbisyong Totoo—serbisyong nagbibigay ng tamang impormasyon, nagtataguyod ng proteksyong panlipunan, at nagbubuklod sa komunidad tungo sa mas maunlad at mas matatag na Mindoro.

Loading