“Hindi lang lupa ang tinanim namin—pag-asa ang aming inani.”

Sa tahimik na kabundukan ng Barangay Simpocan sa Puerto Princesa City, umusbong ang isang kwento ng pagbangon na kasing-sariwa ng mga gulay na inaani araw-araw ng pamilyang Delfin. Ito ang kwento ni Agnes Grace Oblan Delfin—isang dating Parent Leader ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na piniling maging puhunan ang kaalaman, sipag, at malasakit upang baguhin ang takbo ng kanilang buhay.

Bilang matagal na benepisyaryo ng 4Ps at aktibong Parent Leader, si Agnes ay hindi lamang naging gabay ng kanyang pamilya kundi pati ng kanyang komunidad. Nagsilbi rin siyang micropist para sa malaria prevention sa kanilang barangay, isang patunay ng kanyang malasakit sa kalusugan at kapakanan ng kapwa. Sa bawat pagpupulong at aktibidad, dala niya ang paniniwalang ang tunay na pag-unlad ay nagsisimula sa pagtutulungan.

Pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng pamilya Delfin, isang kabuhayang hindi madali, ngunit pinanday ng tiyaga at determinasyon. Mula sa kita sa bukid, itinaguyod nila ang pag-aaral ng kanyang tatlong anak: 

ang panganay na ngayo’y nasa ika-apat na taon ng kursong Nursing,
ang ikalawa na ikalawang taon sa Criminology,
at ang bunso na kasalukuyang nasa Grade 11. 

Para kay Agnes, ang edukasyon ang pinakamahalagang ani ng kanilang paghihirap.

Isang mahalagang yugto ang dumating noong 2021 ng mapili ang kanilang sambahayan bilang benepisyaryo ng Highland Vegetable Production Project ng Department of Agriculture. Sa pagkakataong ito, unti-unting nagbago ang anyo ng kanilang bukirin. Nagsimula silang magtanim ng mga high-value vegetables—bell pepper, snap beans, cauliflower, cabbage, Chinese cabbage, Japanese cucumber, honeydew, at broccoli—mga pananim na bihira pa noon sa Palawan, lalo na sa Puerto Princesa City.

Dahil sa kalidad at kasariwaan ng kanilang ani, mabilis na nakilala ang pamilyang Delfin sa lokal na pamilihan. Ang karagdagang suporta mula sa City Agriculture Office sa anyo ng mga binhi, pataba, at kagamitang pansaka ay lalong nagpatibay sa kanilang kakayahang palawakin at panatilihin ang produksyon.

Noong 2024, muling napalakas ang kanilang pangarap nang maging benepisyaryo sila ng Enhanced Support Services Intervention (ESSI). Ang natanggap na kapital ay maingat bilang puhunan sa pagpapalawak ng kanilang highland vegetable project. Sa kasalukuyan, halos 3,000 cauliflower at 3,000 broccoli plants ang kanilang inaalagaan—mga pananim na inaani kada tatlong buwan at nagsisilbing tulay tungo sa mas matatag na kinabukasan.

Tuwing Lunes, makikita ang ani ng pamilyang Delfin sa KADIWA Market sa Atrium ng New Green City Hall—isang espasyo ng naging simbolo ng kanyang tagumpay. Dito, patuloy silang tinatangkilik ng mga mamamayang mas pinipili ang sariwa, lokal, at de-kalidad na produkto.

Bunga ng kanilang walang sawang pagsisikap at tamang suporta, matagumpay na nakapagtapos ang pamilyang Delfin sa Level 3 o Self-Sufficient batay sa pinakahuling Social Welfare and Development Indicators (SWDI) assessment. Bagama’t hindi na aktibong kasapi ng 4Ps si Agnes, ang kanyang kwento ay nananatiling buhay—isang patunay na ang mga programang may puso, kapag sinabayan ng sipag at paninindigan, ay kayang magbukas ng bagong yugto ng pag-asa.

Ang kwento ni Agnes Grace Oblan Delfin ay higit pa sa kwento ng pagsasaka. Ito ay kwento ng isang inang piniling magtanim ng kinabukasan—at ngayo’y masaganang umaani ng tagumpay, hindi lamang para sa kanyang pamilya, kundi bilang inspirasyon sa marami pang Pilipinong nangangarap ng mas maunlad na bukas.

Loading