Ang Kwento ng Kauna-unahang National 4Ps Exemplary Child mula sa rehiyon ng MIMAROPA na Licensed Professional Teacher

Noon, isa lamang siyang batang nangangarap sa gitna ng kakulangan. Ngayon, isa na siyang ganap na guro na humuhubog ng mga pangarap ng iba. Si Patrick John Rodel R. Baylon, dating benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at kauna-unahang 4Ps Exemplary Child sa Pilipinas, ay patunay na ang kahirapan ay hindi kailanman hadlang sa tagumpay kung may pangarap at sapat na suporta.

Lumaki si Patrick bilang bahagi ng 4Ps, isang programang nagbibigay sa kanya at sa kanyang pamilya ng pag-asa at lakas ng loob upang ipagpatuloy ang edukasyon. Bata pa lamang ay namumukod-tangi na siya sa sipag, talino, at talento—mga katangiang nagdala sa kanya upang tanghaling 2012 National Exemplary Child. Ngunit higit sa mga parangal, ang mas mahalaga kay Patrick ay ang pangarap: ang maging guro.

Sa kabila ng maraming pagsubok, hindi niya hinayaang mabigo ang sarili. Sa tulong ng kanyang pamilya, mga guro, at ng 4Ps, tuluy-tuloy niyang tinahak ang landas ng edukasyon. Noong 2025, matagumpay niyang naipasa ang Licensure Examination for Teachers at opisyal na naging Licensed Professional Teacher (LPT), isang tagumpay hindi lamang para sa kanya, kundi para sa lahat ng batang Pantawid na nangangarap.

Bilang isang guro, dala ni Patrick ang kanyang sariling karanasan bilang dating benepisyaryo. Aniya, “Bilang isang bahagi ng 4Ps at naranasan maging guro, nasaksihan ko po mismo ang ilan sa mga Not-Attending-School na mga kabataan. Kadalasan po, ang dahilan nito ay impluwensya sa barkada at problema sa pamilya.” Dahil dito, mas lalong naging malapit sa kanyang puso ang mga batang kanyang tinuturuan.

 

Hindi niya itinuturing na simpleng mag-aaral lamang ang mga ito. “Syempre po, bilang isang guro at kapwa benepisyaryo ng 4Ps, itinuturing ko na rin po silang mga anak. Nalungkot po ako lalo pa at nakikita ko na malaki ang potensyal ng mga batang ito,” dagdag niya. Para kay Patrick, ang bawat bata ay may kakayahang magtagumpay—kailangan lamang ng tamang gabay at suporta.

Buong pasasalamat niyang kinikilala ang papel ng 4Ps sa kanyang buhay. “Napakaswerte ko po at napakaswerte ng mga batang kasali sa 4Ps dahil nandyan ang programa para matulungan at suportahan ang isang batang katulad ko,” wika niya.

Ang linyang patuloy niyang pinanghahawakan ay simple ngunit makapangyarihan: “Di bale nang mahirap basta may pangarap.” Para kay Patrick, ang 4Ps ay hindi lamang tulong-pinansyal, kundi tulay tungo sa pag-asa. Sa isa niyang mensahe, sinabi niya, “Hindi hadlang ang kahirapan basta may pangarap at may kaagapay.”

Ngayon, si Patrick John Rodel Rivera Baylon, LPT, ay hindi lamang bunga ng isang matagumpay na programa, isa rin siyang inspirasyon at buhay na patunay na ang bawat batang 4Ps ay may kakayahang tumawid patungo sa mas maliwanag na kinabukasan.

Isang guro. Isang inspirasyon. Isang kwento ng pag-asa. Isang batang 4Ps na nagtagumpay.

Loading