Sa tahimik na kabundukan ng Tribong Batak sa Roxas, Palawan, isang kabataang babae ang tahimik ngunit buong tapang na binago ang takbo ng kasaysayan ng kanyang komunidad. Siya si Precil V. Pura, 25 taong gulang—ang kauna-unahang nakapagtapos ng kolehiyo at naging propesyonal na guro mula sa kanilang tribo.

Isang makasaysayang tagumpay ito na sumasalamin hindi lamang sa kanyang personal na pagpupunyagi, kundi pati sa kapangyarihan ng edukasyon at ng mga programang nagbibigay-pag-asa tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).        

Panganay sa anim na magkakapatid, lumaki si Precil sa isang pamilyang ang kabuhayan ay pagsasaka. Ang kahirapan ay bahagi ng kanilang araw-araw na buhay.

“Bilang katutubong Batak, talagang mahirap ang aming buhay. Nakakakain naman kami ng tatlong beses sa isang araw, pero kulang pa rin ang kinikita ng aming mga magulang at hindi rin namin mabili ang mga school supplies,” paggunita niya.

Bukod sa kakulangan sa pinansyal, naranasan din ng kanilang tribo ang pagkakahiwalay sa lipunan. Mas pinipili nilang manatili sa kabundukan, malayo sa mga di-katutubo, dala ng hiya at takot—dahilan kung bakit noon ay hindi agad nabigyan ng halaga ang edukasyon.

Nagbago ang direksiyon ng kanilang buhay nang mapasama ang pamilya ni Precil sa 4Ps.

“Malaking opportunity po ito para sa amin,” ani Precil.

Sa tulong ng cash grants, nabawasan ang bigat ng gastusin sa paaralan—mula sa bayarin, school supplies, hanggang sa pang-araw-araw na pagkain. Higit pa rito, natutunan ng kanyang mga magulang ang tamang pagpapahalaga sa edukasyon at wastong pamamahala ng pera.

Ngunit hindi naging madali ang kanyang paglalakbay. Kinailangan niyang maglakad ng ilang kilometro upang makapasok sa high school, bumiyahe ng malayo para sa senior high at kolehiyo, at harapin ang panlalait at diskriminasyon dahil sa kanyang pagiging katutubo. Dagdag pa rito ang kawalan ng kuryente sa kanilang lugar na lalong nagpahirap sa paggawa ng mga proyekto sa paaralan.

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi siya sumuko.

“Hindi ito naging hadlang para hindi magpatuloy sa pag-aaral. Sa halip, naging inspirasyon ko ito sa buhay—sipag, tiyaga, panalangin, at suporta ng pamilya,” buong pananalig niyang sinabi.

Bunga ng kanyang determinasyon, si Precil ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Local Government Unit ng Bayan ng Roxas. Ngunit hindi dito nagtatapos ang kanyang mga pangarap. Hangad niyang makapagbalik-serbisyo sa kanyang tribo sa pamamagitan ng pagtuturo—lalo na sa mga Batak na hindi nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral.

“Pangarap kong matulungan ang aking mga katribo—turuan silang bumasa at sumulat, at ipaliwanag kung gaano kahalaga ang edukasyon sa ating buhay,” ani niya.

Bilang unang Batak na naging propesyonal, dama ni Precil ang pasasalamat at pagpapakumbaba.

“Sobrang thankful at blessed po ako. Naabot ko ang aking pangarap dahil sa suporta ng aking pamilya, asawa, at sa biyaya ng Panginoon,” wika niya.

Sa kapwa kabataan, lalo na sa mga anak ng pamilyang 4Ps at mga katutubong tulad niya, malinaw ang kanyang mensahe:

“Hindi hadlang ang tribo, lahi, o kahirapan para abutin ang mga pangarap. Kailangan lang ng sipag, tiyaga, pagtitiis, panalangin, at pananampalataya sa Panginoon.”

Para kay Precil, ang 4Ps ay higit pa sa tulong-pinansyal—ito ay naging tulay upang mabago ang kanyang kapalaran at mabasag ang mga hadlang na matagal nang pumipigil sa kanyang tribo.

“Lubos po akong nagpapasalamat sa DSWD-4Ps. Nawa’y mas marami pang katutubo ang inyong matulungan upang makapag-aral at makamit ang kanilang mga pangarap,” pagtatapos niya.

Ang kuwento ni Precil V. Pura ay patunay na kapag pinagsama ang oportunidad, pananampalataya, at walang sawang pagsisikap, kayang baguhin hindi lamang ang sariling buhay, kundi ang kinabukasan ng isang buong komunidad.

Loading