Sa isang tahimik na komunidad, matatagpuan ang tahanan ng Pamilya Mondido—isang pamilyang humaharap sa buhay na may lakas ng loob, pagkakaisa, at pag-asa. Si Analyn Mondido, isang Set 12 beneficiary ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ay ina ng limang anak. Apat sa mga ito ay kasalukuyang nag-aaral—isa sa kolehiyo, dalawa sa high school, at isa sa daycare—habang ang isa ay may kondisyong Down Syndrome.

Hindi naging madali ang kanilang paglalakbay. Bago maging benepisyaryo ng 4Ps, inilarawan ni Analyn ang kanilang kalagayan bilang punô ng pagsubok at pangamba.

“Sa simula, hirap talaga ang aming pamilya na punan ang kanilang pangangailangan lalo na sa paaralan. Kaliwa’t kanan ang utang namin… at kapag wala na kaming mahiraman, hindi na namin alam kung saan kami pupunta.”

Bukod sa problemang pinansyal, aminado rin si Analyn na limitado ang kanilang kaalaman noon tungkol sa mga usaping panlipunan.

“Wala rin kaming alam at pakialam sa usapin ng lipunan gaya ng karapatan ng mga bata, kalinisan sa kapaligiran, pagboto at pakikilahok sa barangay. Abala lang kami sa pagtawid ng araw-araw.”

Sa kabila ng lahat, may pangarap ang mag-asawang Mondido—mga pangarap na paulit-ulit man nilang muntik sukuan, ay patuloy pa ring bumabalik.

“Marami kaming pangarap na mag-asawa para sa pamilya. Una, makatapos ng pag-aaral ang aming mga anak. At para sa anak naming special, gusto naming magkaroon siya ng kahit kaunting savings para sa kanyang kinabukasan.”

Ang mga pangarap na ito ay unti-unting nagkaroon ng direksyon nang dumating ang 4Ps sa kanilang buhay. Hindi lamang tulong-pinansyal ang hatid ng programa, kundi bagong pananaw at pag-asa.

“Hindi lang basta tulong kundi pagmamahal ang naibahagi sa amin ng programa,” ani Analyn.
“Kung hindi nila kami mahal, hindi nila kami hahayaan na hanggang dito na lang ang marating namin.”

Noong Setyembre 2025, isang malaking oportunidad ang dumating sa Pamilya Mondido nang sila ay makatanggap ng ₱15,000 na tulong mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP). Ang halagang ito ay idinagdag nila sa kasalukuyang kabuhayan—ang pagtitinda ng almusal, meryenda, at ulam.

Sa mas malaking puhunan, mas napalawak nila ang kanilang munting tindahan. Hindi lamang mag-asawa ang kumikilos—kasama rin ang kanilang mga anak na tumutulong sa paghuhugas at paghahanda ng mga gamit sa pagluluto. Sa simpleng gawaing ito, nahuhubog ang disiplina, malasakit, at pakikiisa ng buong pamilya.

Malaki ang naging papel ng 4Ps sa pagbubukas ng isipan ni Analyn at ng kanyang asawa.

“Kung wala ang 4Ps, hindi ako marerefer sa ₱15,000 na assistance ng SLP. At kung wala ang 4Ps, hindi magiging bukas ang isip ko na dapat pala kaming mangarap at huwag makuntento sa kung anong meron kami ngayon.”

Dagdag pa niya, ang mga aral mula sa Family Development Sessions (FDS) ay nagsilbing gabay hindi lamang sa pagiging magulang kundi bilang mamamayan.

“Sa 4Ps ko rin natutunan ang halaga ng karapatan ng mga bata, pag-iimpok, at pakikilahok sa komunidad.”

Para sa Pamilya Mondido, malinaw ang kanilang paninindigan: walang programang makapaghahatid ng pagbabago kung walang sipag, pagtitiyaga, at pagkakaisa ng pamilya.

“Kailangan talaga naming magsipag na mag-asawa. Kasi kung tamad kami, wala kaming mararating. At binabahagi namin ang aming mga plano sa aming mga anak para alam nila kung saan kami papunta—at kung sakaling mawala kami, mapagpapatuloy nila iyon.”

Ang kuwento ng Pamilya Mondido ay patunay na kapag pinagsama ang tulong ng pamahalaan, determinasyon ng pamilya, at paniniwala sa pangarap, posible ang sabay-sabay na pag-abot sa mas maayos na bukas.

Isang pamilya. Isang kabuhayan. Isang pangarap—na unti-unting nagiging realidad, sa tulong ng 4Ps. 

 

Loading