Sa bayan ng Taytay, isang kwento ng katapatan at paninindigan ang patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa komunidad.
Si Marissa Francisco Agustin-Casim, isang lady guard ng LGU Taytay at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ay nagsauli ng halagang ₱100,000 na kanyang napulot sa harap ng pampublikong pamilihan noong Pebrero 22.
Isang ina ng anim na anak, si Marissa ang patuloy na nagsisikap upang maitaguyod ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Sa kanyang mga anak, may nakapagtapos na ng high school at may isa nang nagtatrabaho upang makatulong sa pamilya. Ang isa naman ay kasalukuyang nag-aaral pa bilang monitored child sa 4Ps, habang ang iba pa ay patuloy na inaalagaan at inihahanda para sa mas maayos na kinabukasan.
Bilang isang magulang na nagsusumikap, hindi naging madali ang kanyang paglalakbay. Ang cash grants mula sa 4Ps ay malaking tulong para sa edukasyon at kalusugan ng kanyang mga anak, ngunit hindi ito ang kanyang tanging inaasahan. Araw-araw siyang pumapasok sa trabaho bilang lady guard, kumakayod nang marangal upang may maipangtustos sa hulog sa motorsiklo, bayarin sa tindahan, at iba pang gastusin sa bahay.
Noong araw ng insidente, nag-withdraw lamang siya ng ₱100 para pambili ng gamot nang makita ang isang bag na naglalaman ng malaking halaga. Sa gitna ng pangangailangan, maaaring ituring ng iba na biyaya ang ganoong pagkakataon. Ngunit para kay Marissa, malinaw ang kanyang paninindigan.
Agad niya itong iniulat at tiniyak na maibalik sa tunay na may-ari.
Ayon sa kanya, hindi siya nagdalawang-isip dahil iyon ang turo sa kanya ng kanyang mga magulang—huwag maghangad ng hindi sa atin. Iyon din ang aral na nais niyang maitanim sa puso ng kanyang mga anak: na anuman ang hirap ng buhay, hindi kailanman magiging dahilan ang kakulangan upang talikuran ang tama.
Ibinahagi rin sa flag ceremony ng LGU Taytay ang pagkilala sa kanyang ipinakitang integridad at katapatan. Ang kanyang ginawa ay hindi lamang simpleng pagsasauli ng pera, kundi patunay na ang kabutihan ay nananatiling buhay sa puso ng mga taong marunong magpahalaga sa dangal.
Nagbahagi rin si Marissa ng mensahe para sa kanyang kapwa benepisyaryo ng 4Ps:
“Kahit po naghihirap tayo, huwag po tayong mag-alangan na gumawa ng kabutihan sa ating kapwa. Sa ganoon, makakamtan po natin ang tunay na katiwasayan sa buhay. Ang Poong Maykapal ay hindi magdadalawang-isip na ibigay sa atin ang ating mga kahilingan sa tamang panahon. Mga kapwa ko 4Ps, sana ay patuloy po tayong manalig sa ating Panginoong Jesucristo.”
Sa mga nagdududa sa kakayahan at sipag ng mga benepisyaryo ng 4Ps, si Marissa ay isang malinaw na halimbawa na ang programa ay pantawid at suporta—hindi kapalit ng pagsisikap. Ang mga tulad niya ay hindi umaasa lamang sa tulong; sila ay nagtatrabaho, nagsasakripisyo, at patuloy na lumalaban para sa kinabukasan ng kanilang mga anak.
Sa gitna ng kahirapan, pinili niya ang katapatan. Sa kabila ng mga pagsubok, pinili niya ang tama.
Si Marissa Francisco Agustin-Casim ay hindi lamang isang lady guard ng Taytay. Isa siyang inang may mabuting puso, isang masipag na manggagawa, at isang 4Ps beneficiary na tunay na huwaran ng integridad at paninindigan.
Isang paalala sa ating lahat na ang tunay na yaman ay hindi nasusukat sa halagang nadadampot—kundi sa mga pagpapasyang ginagawa kapag walang nakakakita.
![]()



