Roxas, Palawan — Muling pinagtibay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang adbokasiya nito sa pagbangon at pagpapalakas ng kabuhayan ng mga benepisyaryo matapos maisagawa ang pamamahagi ng konting tulong kabuhayan para sa mga mangingisda ng Purok Mangingisda, Barangay IV (Poblacion), Roxas, Palawan noong Pebrero 3, 2026.

Ang nasabing tulong ay inilaan para sa mga mangingisdang naapektuhan ng Bagyong Tino, na nagdulot ng pagkasira ng kanilang mga kagamitang pangisda at pansamantalang pagkawala ng kanilang pinagkakakitaan. Bilang tugon, naglaan ang Barangay Local Government Unit (BLGU) ng Barangay IV ng kabuuang halagang ₱46,000.00 upang makatulong sa kanilang agarang pagbangon.

Kabuuang tatlumpu’t anim (36) na mga benepisyaryo ng 4Ps ang tumanggap ng tulong. Ang mga ito ay pawang mga ama na dati nang lumahok sa Empowerment and Reaffirmation of Paternal Abilities Training (ERPAT), isang pagsasanay na isinulong ng DSWD upang palakasin ang papel ng mga ama sa pamilya at komunidad—patunay na ang tulong ay nakatuon hindi lamang sa kabuhayan kundi pati sa pagpapaunlad ng kakayahan at pananagutan.

Ang tulong pinansyal ay ginamit para sa pagkukumpuni o pagbili ng mahahalagang kagamitang pangisda tulad ng lambat, plywood, pintura, nylon, epoxy, at gasolina. Ipinatupad ang beneficiary-centered approach kung saan ang mismong mga mangingisda ang pumili ng mga kagamitang higit nilang kinakailangan, alinsunod sa kanilang hanapbuhay.

Isinagawa ang aktibidad sa maayos at mahinahong paraan sa pamamagitan ng mahigpit na koordinasyon ng 4Ps at ng pamahalaang barangay.

Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa tulong na kanilang natanggap, na anila’y nagsilbing pag-asa at lakas ng loob upang muling makapagsimula matapos ang mga pagsubok na kanilang naranasan.

Sa kabuuan, pinahahalagahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD ang patuloy na suporta at malasakit ng BLGU ng Barangay IV sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga benepisyaryo. Ang 4Ps ay nananatiling katuwang ng mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng mga programang tumutugon sa pangangailangan ng mahihirap na pamilya, lalo na sa panahon ng krisis at rehabilitasyon.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD ❤️
#DSWDMIMAROPA
#4PsMIMAROPA

 

Loading