MIMAROPA, Pebrero 2026 – Mas pinaigting ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD Field Office MIMAROPA ang mga hakbang upang mabawasan at tuluyang mapawi ang bilang ng mga batang kabilang sa Not Attending School (NAS) sa rehiyon, sa pamamagitan ng serye ng focused discussions, house visitations, at inter-agency coordination meetings sa Palawan at Romblon.

Noong Pebrero 13, nagsagawa ng group discussion ang mga 4Ps personnel kasama ang mga piling NAS children sa Barangay Agutayan, Balabac, Palawan. Layunin nitong maunawaan ang mga dahilan ng hindi nila pagpasok sa paaralan at tukuyin ang mga konkretong paraan upang sila ay makabalik sa pag-aaral.

Sa pamamagitan ng ligtas at bukas na espasyo ng talakayan, naipahayag ng mga bata ang kanilang saloobin, mula sa problemang pang-ekonomiya at pampamilya hanggang sa personal na hamon. Ipinakilala rin sa kanila ang iba’t ibang learning delivery modes, kabilang ang Alternative Learning System (ALS), bilang alternatibong landas sa pagpapatuloy ng edukasyon. Ilan sa mga kalahok ang nagpahayag ng interes na tuklasin ang ALS bilang panibagong pag-asa para sa kanilang kinabukasan.

Samantala, noong Pebrero 19 at 20, matagumpay na nagsagawa ng house visitation para sa NAS Assessment at NAS CAR Validation sa Brgy. Lusong at Brgy. Binongahan, San Agustin, Romblon.

Ang aktibidad ay naglalayong personal na beripikahin ang mga dahilan ng paghinto sa pag-aaral ng mga piling benepisyaryong mag-aaral. Sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan sa mga pamilya, natukoy ang mga espesipikong pangangailangan ng bawat bata at naihanda ang angkop na interbensyon, referral, at rekomendasyon. Layunin nitong mahikayat, mamonitor, at masuportahan ang kanilang muling pag-enroll sa susunod na enrollment period.

Noong Pebrero 11, isinagawa rin ang isang mahalagang pagpupulong hinggil sa mga batang NAS sa City Health Complex, sa pakikipagtulungan ng City Social Welfare and Development (CSWD) sa pangunguna ni City Social Welfare and Development Officer Remy Beltran, kasama ang mga Cluster Heads at kinatawan ng DSWD.

Sa nasabing pulong, naipresenta ang kabuuang bilang ng mga batang mino-monitor na hindi pumapasok sa paaralan at masusing natalakay ang kanilang mga sitwasyon—mula sa suliraning pang-ekonomiya, pampamilya, pangkalusugan, at iba pang personal na dahilan. Naibahagi rin ang mga naisagawang interbensyon ng mga guro at kinauukulang ahensya upang masuportahan ang kanilang pagbabalik-eskwela.

Humiling ng technical assistance ang 4Ps sa CSWD Cluster Heads para sa bawat kasong tinalakay upang higit pang mapalakas ang mga umiiral na estratehiya. Ito ay sinang-ayunan ng CSWDO bilang bahagi ng kolektibong layunin na mapababa ang bilang ng NAS sa susunod na taong panuruan at matugunan ang mga ugat ng problema sa mas maagap at mas sistematikong paraan.

Dumalo rin sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa Provincial Operations Office, kabilang sina SWO II Mary Rose Lastimoso, CMU Focal Rosedel Dalabajan, at CV Focal Tehani Ogalesco, bilang patunay ng mas pinalakas na suporta at koordinasyon sa antas-probinsya.

Ipinapakita ng magkakaugnay na inisyatibang ito ang malinaw na direksyon ng 4Ps MIMAROPA—hindi lamang tukuyin ang bilang ng mga batang NAS, kundi aktibong lapitan, unawain, at samahan sila at ang kanilang pamilya tungo sa pagbabalik sa paaralan.

Sa pagtutulungan ng DSWD, LGUs, CSWD, mga paaralan, at komunidad, mas pinatitibay ang kolektibong paninindigan na ang bawat bata ay may karapatang makapag-aral at magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan.

Sa patuloy na pagpapatupad ng mga konkretong hakbang at makataong interbensyon, nananatiling matatag ang 4Ps MIMAROPA sa adhikaing mabawasan—at tuluyang mawakasan—ang mga kaso ng Not Attending School sa rehiyon.

 

Loading