Cuyo, Palawan
— Sa isang maliit na baryo sa Suba, Cuyo, Palawan, namumuhay ang pamilya ni Tatay Ruben Palay na may simpleng prinsipyo: magsikap at alagaan ang kanilang gulayan.

Si Tatay Ruben ay isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na naglalayong suportahan ang kabuhayan ng mga pamilyang tulad nila. Araw-araw, kasama ang kanyang asawa at mga anak, masigasig niyang inaalagaan ang kanilang taniman ng gulay—na hindi lamang pinagkukunan ng pagkain, kundi pangunahing kabuhayan nila sa pang-araw-araw na gastusin.

Malaki ang naitulong sa kanila ng Municipal Agriculture Office, na nagbigay ng mga butong pananim at mga gabay sa mas maayos na ani. Dahil dito, mas napalago at napakabuti ng pamilya ang kanilang gulayan. Kilala rin si Tatay Ruben sa kanilang komunidad bilang pangulo ng samahan ng mga paggugulayan, kung saan pinagsama-sama ang kaalaman at lakas para sa mas maunlad na ani at mas produktibong pamumuhay.

Sa kasalukuyan, kumikita ang pamilya ng mahigit dalawang libo kada anihan. Ayon kay Tatay Ruben, “Bawat barya na aming nakikita tuwing ani ay nahuhulog namin sa aming alkansya. Malaking tulong ito sa aming pang-araw-araw na pangangailangan.”

Ang kwento ni Tatay Ruben ay patunay na sa sipag at tiyaga, at sa tamang gabay mula sa programa, kahit maliit na tanim ay maaaring maging malaking tulong sa pamilya. Sa kanilang gulayan, hindi lamang pagkain ang aanihin—pati disiplina, sipag, at aral sa pagtitipid ay nakukuha rin.

Loading