𝗕𝗔𝗡𝗦𝗨𝗗, 𝗢𝗥𝗜𝗘𝗡𝗧𝗔𝗟 𝗠𝗜𝗡𝗗𝗢𝗥𝗢 — Mahigit 200 pamilya ang nakiisa sa Senior High School Career Path Orientation noong Pebrero 6, isang hakbang ng Pamahalaang Bayan ng Bansud na isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Municipal Operations Office upang ihanda ang mga mag-aaral na nasa Grade 12 sa kanilang susunod na yugto matapos ang Senior High School.
Itinampok sa aktibidad ang iba’t ibang oportunidad sa edukasyon at kabuhayan. Ibinahagi ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga scholarship at kursong teknikal-bokasyonal, habang ipinaliwanag ng Public Employment Service Office (PESO) ang mga programang pang-edukasyon at scholarship grants na maaaring ma-avail ng mga kwalipikadong mag-aaral sa loob ng lalawigan.
Bilang katuwang sa mobilisasyon at impormasyon, pinalakas ng 4Ps ang partisipasyon ng mga benepisyaryong pamilya at binigyang-diin ang kahalagahan ng edukasyon at maagang career planning.
Ayon sa mga dumalong magulang, nakatulong ang orientation upang luminaw ang mga posibleng landas ng kanilang mga anak at ang mga hakbang upang makamit ang kanilang mga pangarap.
Ang inisyatiba ay kaakibat ng patuloy na adbokasiya ng 4Ps at ng LGU Bansud na suportahan ang mga kabataan sa paggawa ng mas matalinong desisyon para sa kanilang kinabukasan—patungo sa mas matatag na pamilya at komunidad.

Loading