Humigit-kumulang isang daang (100) benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang matagumpay na nakarehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) sa isinagawang mobile registration sa Barangay Tagusao, Quezon, Palawan, Pebrero 5-6, 2026.

Ang aktibidad ay isinagawa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Pantawid Pamilyang Pilipino Program Municipal Operations Office (MOO) Quezon at ang PhilSys registration team na binubuo nina Gil M. Panaguiton, Registration Kit Operator, at Maricar B. Alfaro, Registration Assistant.

Karamihan sa mga na rehistro ng benepisyaryo ay mga katutubo mula sa Sitio Cacawitan, Barangay Tagusao. Naging maayos ang pagpapatupad ng aktibidad sa tulong at    suporta ng mga lokal na opisyal ng barangay sa pangunguna ni Barangay Captain Edwin B. Talagtag, SK Chairperson Royet M. Bangcaya, Barangay Secretary Samuel R. Totesora, at ng mga barangay kagawad. Bilang bahagi ng kanilang suporta, nagkaloob ang pamahalaang barangay ng libreng barangay certification sa mga benepisyaryong wala pang birth certificate—isang mahalagang requirement para sa PhilSys registration.

Layunin ng inisyatibang ito na mapalawak ang saklaw ng PhilSys registration at matiyak ang inklusibong paglahok ng mga 4Ps beneficiaries, lalo na ang mga nasa malalayong lugar at mga katutubong pamayanan, upang mas mapadali ang kanilang access sa mga serbisyong panlipunan at programang pampamahalaan.

Ang PhilSys registration para sa mga 4Ps beneficiaries sa bayan ng Quezon ay nagsimula noong Pebrero 3, 2026 sa Barangay Pinaglabanan at magpapatuloy sa iba pang mga barangay ng munisipalidad sa mga susunod na araw.

Loading