Isang Heart’s Month Feature sa Matatag na Pagmamahalan nina Jenalyn at Anthony Fapiona

Sa buwang ito ng pag-ibig, madalas nating iniuugnay ito sa mga rosas, tsokolate, at matatamis na pangako. Ngunit sa Barangay Poblacion, Magsaysay, Occidental Mindoro, may isang kwento ng pag-ibig na mas higit sa anumang materyal na bagay. Isang pag-ibig na nagsimula sa maling numero ngunit nauwi sa tamang kapalaran.

Labimpitong taon nang magkasama sina Jenalyn at Anthony Fapiona. Ang kanilang kwento ay tila eksena sa isang romantikong pelikula. Isang simpleng tawag sa cellphone ang naging simula ng lahat, magkapareho sila ng numero maliban sa huling dalawang digit: 71 at 17. Sa halip na magtapos sa isang “wrong number,” nauwi ito sa kumustahan, tawanan, at sa kalaunan, sa pag-ibig.

Bago pa man sila magkita nang personal, matapang na inamin ni Jenalyn na siya ay may kapansanan. Para sa iba, maaaring maging hadlang ito. Ngunit para kay Anthony, hindi ito naging sukatan ng pagmamahal. Mas nakita niya ang kabutihan, katatagan, at pusong handang magmahal. Doon nagsimula ang isang relasyon na hindi lamang nakabatay sa damdamin, kundi sa pagtanggap at paninindigan.

Pag-ibig na Sinubok ng Panahon

Hindi naging madali ang kanilang pagsasama. Matapos silang magpakasal at magkaanak, naaksidente si Anthony sa isang insidente sa motorsiklo. Sa gitna ng takot at pangamba, si Jenalyn, sa kabila ng sarili niyang kondisyon, ang naging sandigan ng pamilya. Siya ang nag-asikaso, naghanap ng tulong, at nakipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang asawa.

Dito mas lalong napatunayan na ang pag-ibig ay hindi lamang binibigkas sa altar, ito ay isinasabuhay sa oras ng unos.

Isang Programa, Isang Panibagong Pag-asa

Noong Abril 13, 2023, naging bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang kanilang pamilya. At mula noon, nagkaroon ng mas malinaw na direksyon ang kanilang mga pangarap para sa kanilang dalawang anak.

Ang 4Ps ay hindi lamang tulong pinansyal. Para kina Jenalyn at Anthony, ito ay naging katuwang sa pagpapalakas ng kanilang pamilya.

Sa bawat Family Development Session (FDS), walang mintis si Jenalyn sa pagdalo. Ngunit hindi siya nag-iisa. Laging nariyan si Anthony, hinahatid siya, naghihintay habang isinasagawa ang sesyon, at sabay silang umuuwi. Para kay Anthony, ito ay simpleng pagsuporta. Para kay Jenalyn, ito ay patunay na sa bawat paglalakbay niya, may kamay na handang umalalay.

Sa pamamagitan ng FDS, mas napalalim ang kanilang kaalaman sa responsableng pagiging magulang, tamang pangangalaga sa mga anak, at kahalagahan ng edukasyon at kalusugan. Ang mga aral na kanilang natutuhan ay hindi lamang para sa pagsunod sa kondisyon ng programa, kundi para sa pangmatagalang kapakanan ng kanilang pamilya.

Ang 4Ps ang naging tulay upang mas maging matatag ang kanilang pundasyon, hindi lamang bilang benepisyaryo, kundi bilang mag-asawang may iisang layunin: ang maitaguyod ang kinabukasan ng kanilang mga anak sa kabila ng anumang pagsubok.

Pag-ibig na Isinasabuhay

Sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Puso, ang kwento nina Jenalyn at Anthony ay paalala na ang tunay na pag-ibig ay hindi nasusukat sa engrandeng selebrasyon. Ito ay makikita sa simpleng paghahatid sa FDS, sa pag-alalay sa oras ng sakuna, sa pagtanggap nang buong puso, at sa sama-samang pagharap sa hamon ng buhay.

Sa kanilang kwento, makikita na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay hindi lamang programa ng gobyerno, ito ay nagiging bahagi ng mga kwentong nagbibigay-lakas, nagbubuo ng pangarap, at nagpapatatag ng pamilya.

Minsan, nagsisimula ito sa isang maling numero. Ngunit kapag ito’y itinadhana, nagiging tamang pag-ibig na panghabambuhay—at sa tulong ng 4Ps, nagiging pag-ibig na may mas matibay na kinabukasan. 

 

Loading