“Sipag, tiyaga, at determinasyon.” Ito ang naging mantra sa araw-araw na buhay ni Maribel Mendoza, isang masipag na 4Ps beneficiary mula sa tahimik na baryo ng Brooke’s Point, Palawan.
Sa kabila ng hirap at init sa pagtatanim, patuloy siyang lumalaban para sa kanyang pangarap at para sa kinabukasan ng kanyang mga anak: Bea Pelenio Mendoza (Grade 12), Khate Pelenio Mendoza (Grade 10), at Hanny Ivy Pelenio Mendoza (Grade 8).
Si Maribel ay isang vegetable farmer, isang trabaho na karaniwang naiisip na para sa kalalakihan. Ngunit para sa kanya, walang imposible kapag may tiyaga at dedikasyon. Araw-araw, kasama ang buong pamilya, nagtatanim siya ng gulay para may maihain sa hapag-kainan.
“Noon pa man, hilig ko na talaga ang pagtatanim,” kwento ni Maribel.
Nang mag-asawa sila, itinuloy niya ito bilang pangunahing hanapbuhay. Nagsimula ang kanilang maliit na negosyo nang hiramin nila ang halagang ₱10,000 mula sa kamag-anak, panimula sa kanilang gulayan.
Hindi naging madali ang kanilang buhay. May mga pagkakataong nauubos ang kanilang ipon at nalugi sa hanapbuhay. Kinailangan nilang ibenta ang ilang alagang hayop at lote na kanilang ipon. Ngunit hindi nagpatalo ang pamilya sa mga hamon.
“Kahit may hirap, tuloy lang kami,” sabi ni Maribel.
Unti-unti, muling nakabangon ang pamilya at muling nagsimulang magtanim at mag-ipon.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pamilya ni Maribel sa paghahanapbuhay. Dahil dito, nakapagtatapos ang kanyang mga anak ng pag-aaral at nakakapag-ipon para sa kanilang kinabukasan.
Malaki rin ang naitutulong ng 4Ps program sa kanilang pamilya, mula sa Family Development Sessions, kung saan natutunan ni Maribel ang tamang pangangalaga sa pamilya, hanggang sa mga seminar sa Financial Literacy na nagturo sa kanila ng kahalagahan ng pag-iimpok at maayos na pag-budget.
Bukod sa pagiging isang masipag na ina at magsasaka, aktibo rin si Maribel sa kanilang komunidad bilang isang halimbawa sa ibang 4Ps beneficiaries. “Ang sipag at tiyaga ng isang ina ay kayang baguhin ang buhay ng pamilya — kahit sa trabahong karaniwang para sa kalalakihan, kayang magtagumpay ang kababaihan.”
Sa bawat pagtatanim at bawat aral na ibinabahagi niya, pinapakita niya na ang kahirapan ay hindi hadlang kundi isang hamon na kayang pagtagumpayan.
Ang kwento ni Maribel Mendoza ay paalala na sa tamang gabay ng programa, kasipagan, at determinasyon, bawat pamilya ay may kakayahang bumangon at magtanim ng sariling bukas. Sa kanyang mga kamay, ang simpleng gulay sa bukid ay nagiging tulay sa mas mataas na kalidad ng buhay.
##
![]()



