Sa loob ng labing-pitong taon, tinahak ng pamilya Teraña ang isang landas na puno ng pagsubok, sakripisyo, tiyaga, at matibay na pag-asa. Ang simpleng pangarap na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak ay unti-unting naging isang magandang realidad
—dahil sa determinasyon at sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Si Gng. Emelia F. Teraña, nagtapos ng dalawang taong vocational course sa Computer Secretary, ay kilala sa kanyang tahimik ngunit matibay na lakas. Kasama ang kanyang asawa na si G. Marwin Perez Teraña, nagtapos ng Bachelor of Science in Secondary Education Major in English, hinarap nila ang mga hamon ng buhay nang buong tapang. Bagamat hindi nakapasa si G. Teraña sa Licensure Examination for Teachers dahil sa problema sa kanyang birth certificate, hindi ito naging hadlang sa kanyang pagmamahal sa pagtuturo. Nagturo siya bilang probationary teacher sa Looc National High School of Fishery sa loob ng limang taon. Ngunit, dahil sa layo ng trabaho sa pamilya, pinili niyang unahin ang pamilya kaysa karera at nagtuloy sa pagiging school security guard, isang trabaho na nagbibigay ng matatag na kita at seguridad sa loob ng tatlong taon.
Higit pa sa trabaho, aktibo rin si G. Teraña sa kanilang barangay, dumadalo sa mga seminar, trainings, at mga proyekto ng komunidad. Ngunit ang tunay na pagbabago sa kanilang pamilya ay nangyari noong Abril 2019 nang ang panganay nilang anak na si Karl Marx Malayo Teraña, dating monitored child ng programa, ay nagtapos ng Bachelor of Science in Information Technology. Mula sa pagiging general manager ng isang 7-Eleven sa Calatagan, Batangas, natutunan niya ang pamamahala ng operasyon, serbisyo sa customer, at pangangasiwa ng mga empleyado. Ngayon, nagtatrabaho siya sa Taiwan sa isang phone manufacturing industry, kumikita ng humigit-kumulang Php 70,000 kada buwan, at regular na nagpapadala ng Php 50,000 upang suportahan ang pagpapalaki at pagpapalago ng kabuhayan ng pamilya.
Hindi rin nagpahuli ang iba pang mga anak. Si Kim Jones Malayo Teraña ay nasa huling taon ng kursong Bachelor of Science in Business Administration, si Karla Mariz Teraña ay third-year college student sa Information Technology, habang si Kyla Mae Teraña ay graduating Senior High School, consistent honor student na nagnanais mag-aral ng Culinary Arts o Hotel and Restaurant Management. Lahat ng kanilang mga anak ay nakatanggap ng scholarship mula sa CHED at TES, patunay na edukasyon ang pinakamahalagang puhunan ng pamilya.
Ang bunso nilang si Kairos Meschach, apat na taong gulang, ay kasalukuyang nasa daycare sa Igsuso Child Development Center, representasyon ng bagong henerasyon sa isang tahanang binago ng tiyaga at oportunidad.
Mula sa isang bahay na yari sa magagaan na materyales, ngayon, proud na ipinagmamalaki ng pamilya Teraña ang isang komportableng tahanan na may tatlong kuwarto, maluwag na sala, at isang sari-sari store sa harapan na pinamamahalaan ni Gng. Teraña. Sa tulong ng kanilang panganay, plano nilang palawakin ang negosyo, muling buhayin ang hog-raising business na naapektuhan ng African Swine Fever, at magsimula ng fish sauce at dried fish enterprise, pinakinabangan ang lokasyon sa tabing-dagat sa Sitio Igsuso, Barangay Tubili, Paluan.
Sa pagtatapos ng house interview, tinanong ang mag-asawa: “Malaki ba ang naitulong ng programa sa inyo? Ano ang maipapayo niyo sa kapwa benepisyaryo?”
Sa simpleng mga salita ngunit may puso, sumagot sila:
“Subrang napakalaking tulong ng programa sa aming pamilya, Sir. Kung dati hirap kaming matustusan ang pag-aaral ng aming mga anak, naging malaking tulong ang cash grant para maitawid sila hanggang makatapos. Ang panganay namin ngayon ay nakakatulong na sa amin, at may mga susunod pang magtatapos. Dati silang monitored children, pero ngayon unti-unti nang naaabot ang kanilang mga pangarap.
Ang payo namin sa kapwa benepisyaryo: Huwag nating sayangin ang kahit isang sentimo ng cash grant. Ilaan natin ito sa edukasyon, kalusugan, at pagkain ng ating mga anak. Darating ang panahon na ang ating sakripisyo ay magbubunga. Katulad ng kung paano tuluyang binago ng programa ang aming buhay.”
Ang kwento ng pamilya Teraña ay hindi lamang tungkol sa pinansyal na tulong. Ito ay kwento ng disiplina, matalinong pagpapasya, katatagan, at pananampalataya. Kwento ito ng mga magulang na pinili ang edukasyon sa kabila ng kawalang-katiyakan, at mga anak na pinahalagahan ang sakripisyo ng magulang. Higit sa lahat, ito ay patunay na ang isang pangarap, mula sa pagiging malabo at malayo, ay kayang makamit—at ang kapalaran ay kayang maabot.
Ngayon, handa na ang pamilya Teraña na humarap sa bukas nang may sariling lakas at aral mula sa labing-pitong taong partnership sa 4Ps. Ang kanilang kwento ay buhay na ebidensya: kapag nagtagpo ang oportunidad at tiyaga, posible ang tunay na pagbabago.
![]()




