Sa liblib na kabundukan ng Sitio Bambanay, Purnaga, Magsaysay, kung saan ang bawat hakbang ay sinusukat ng hirap at tiyaga, matatagpuan ang isang kwento ng isang babae na sumasalamin sa tunay na diwa ng katatagan at pamumuno—si Inom Abeleda Salvador, o mas kilala sa kanilang komunidad bilang Baye Inom.

Isang solo parent at kasapi ng tribong Hanunuo Mangyan, si Baye Inom ay hindi lamang ina sa kanyang limang anak—siya rin ay isang lider, magsasaka, at inspirasyon sa kanyang komunidad.

Pitong taon na ang nakalipas nang siya ay mabiyuda. Sa halip na panghinaan ng loob, pinili niyang maging matatag—ginampanan ang papel ng parehong ina at ama sa kanyang pamilya. Sa araw-araw, siya ang unang nagigising upang ihanda ang kanyang mga anak sa pag-aaral, bago tumungo sa kanilang kaingin upang magtrabaho.

Sa kalahating ektaryang lupang kanyang sinasaka, itinatanim niya ang kamoteng kahoy, gabi, ube, nami, kamote, saging, at palay kaingin—mga pananim na nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng kanilang kabuhayan. Siya rin ang nag-aalaga ng kanilang mga hayop tulad ng kambing, baboy, at manok.

Ngunit higit pa sa pisikal na pagod, ang tunay na pagsubok ay ang kanyang paglalakbay pababa ng bundok—bitbit ang mga ani na umaabot sa sampu hanggang dalawampung kilo. Sa loob ng tatlo hanggang apat na oras na paglalakad sa matarik at mapanganib na daan, bawat hakbang ay kwento ng sakripisyo at walang kapantay na pagmamahal ng isang ina.

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi lamang sa kanyang pamilya umiikot ang kanyang mundo.

Simula noong 2023, si Baye Inom ay nagsisilbi bilang Parent Leader ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kanilang lugar. Sa isang komunidad na mahirap marating at limitado ang komunikasyon, siya ang nagsisilbing tulay sa pagitan ng mga benepisyaryo at ng pamahalaan.

Kasama ang Municipal Link, mga guro, at mga health workers, hindi siya nag-aatubiling umakyat at maglakbay upang matiyak na naihahatid ang mga serbisyong panlipunan sa kanilang komunidad. Sa kanyang paraan, isinasabuhay niya ang diwa ng sinaunang babaylan—bilang gabay, tagapangalaga, at lider ng kanyang pamayanan.

Ang kanyang kwento ay malinaw na pagsasabuhay ng temang “Lead Like the Babaylans, Filipinas”—isang paalala na ang kababaihan, noon man at ngayon, ay may mahalagang papel sa paghubog ng lipunan.

Sa kabila ng kahirapan, nananatiling matibay ang kanyang pangarap para sa kanyang mga anak. Sa kasalukuyan, ang kanyang panganay ay malapit nang magtapos ng Grade 12—isang patunay na ang kanyang mga sakripisyo ay unti-unting namumunga.

Ayon kay Baye Inom, “Hinding-hindi ko ipagpapalit ang kinabukasan ng aking mga anak dahil lamang sa aking sariling kaligayahan. Sila ang tunay kong kaligayahan. Mahal na mahal ko ang aking mga anak kaya gusto ko silang mapag-aral.”

Sa ikaapat na linggo ng pagdiriwang ng National Women’s Month, binibigyang-pugay natin ang mga kababaihang tulad ni Baye Inom—mga tahimik ngunit makapangyarihang haligi ng kanilang komunidad.

Sa bawat hakbang niya sa kabundukan ng Bambanay, dala niya ang mensahe na ang tunay na pamumuno ay hindi nasusukat sa posisyon, kundi sa malasakit, sakripisyo, at pagmamahal para sa kapwa.

Si Baye Inom ay hindi lamang isang ina.
Siya ay isang lider.
Isang inspirasyon.
Isang tunay na Filipina.

Loading