Isang Tampok na Kuwento para sa Solo Parents Week Celebration ng DSWD MIMAROPA
Sa isang payak na sulok ng Bayanan, Tigwi, Torrijos, Marinduque, matatagpuan ang tahanan ni Nanay Rowena, isang tahanang hinubog ng pagsubok ngunit pinatatag ng pagmamahal at pag-asa.
Taong 2014 nang maging bahagi ang kanilang pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Noon, buo pa ang kanilang pamilya kasama ang kanyang asawa na si Tatay Erwin at kanilang apat na anak. Sa kabila ng kakulangan sa permanenteng hanapbuhay, naging sandigan nila ang programa, hindi lamang bilang tulong-pinansyal kundi bilang gabay sa mas maayos na pagpapalaki ng kanilang mga anak.
Sa pamamagitan ng 4Ps, natutunan ni Nanay Rowena ang kahalagahan ng kalusugan, edukasyon, at responsableng pagiging magulang. Ang mga Family Development Sessions (FDS) ay nagsilbing gabay sa kanilang pamilya upang mapanatili ang disiplina at direksyon sa kabila ng kahirapan. Ang tulong pinansyal naman ay naging mahalagang suporta upang matiyak na ang kanilang mga anak ay nakakapag-aral at may sapat na pangangailangan araw-araw.
Upang madagdagan ang kanilang kita, magkasama nilang itinaguyod ang isang maliit na food cart business. Araw-araw, magkatuwang silang pumupunta sa tapat ng paaralan. Sa simpleng paraan, unti-unti nilang naitaguyod ang pangarap para sa kanilang pamilya.
Ngunit noong Agosto 2023, isang trahedya ang sumubok sa katatagan ni Nanay Rowena. Sa isang aksidente habang nagtatrabaho sa isang construction site, pumanaw si Tatay Erwin. Sa isang iglap, siya ay naging isang solo parent. Naiwan na mag-isang haharap sa hamon ng buhay at magtataguyod sa kanilang mga anak.
Kasabay ng kanyang pagdadalamhati ay ang pansamantalang pagtigil ng kanilang benepisyo mula sa 4Ps noong Marso 2023, matapos silang mapabilang sa Code 31 o “Validated Non-Poor Households.” Para sa marami, ito ay maaaring maging dahilan upang sumuko. Ngunit para kay Nanay Rowena, ito ay naging hamon upang lalo pang tumatag.
Sa kabila ng lahat, hindi siya nagpatalo. Tinanggap niya ang bagong papel bilang haligi ng tahanan at buong tapang na hinarap ang bawat araw. Natutunan niyang gawin ang mga bagay na dati ay hindi niya inaasahang kakayanin—kabilang na ang pagmamaneho ng kanilang food cart. Sa ilalim ng init ng araw at pagod ng maghapong pagtitinda, patuloy niyang itinataguyod ang kanyang mga anak.
Hindi rin naging hadlang ang kanyang sitwasyon upang manatiling aktibo sa komunidad. Sa tulong ng kanyang pagiging 4Ps beneficiary noon, nagkaroon siya ng oportunidad na makibahagi sa mga programang pangkabuhayan ng pamahalaan. Isa na rito ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD.
Sa isinagawang social preparation ng SLP, naging aktibo si Nanay Rowena at nanguna pa sa pagbuo ng kanilang asosasyon. Bagamat may hangarin siyang magkaroon ng sariling negosyo, pinili niyang yakapin ang kolektibong pag-unlad. Bilang nahalal na presidente ng kanilang grupo, pinangunahan niya ang kanilang asosasyon tungo sa tagumpay.
Sa tulong ng SLP, nakatanggap ang kanilang grupo ng puhunan para sa isang tables and chairs rental business—isang bagong pinagkukunan ng kita hindi lamang para sa kanya kundi para rin sa iba pang miyembro ng kanilang komunidad. Ang oportunidad na ito ay bunga ng kanyang pakikilahok, determinasyon, at mga natutunang aral mula sa 4Ps—mga aral ng disiplina, pakikipagtulungan, at pagpupunyagi.
Sa kasalukuyan, patuloy ang kanyang laban bilang isang solo parent. Ngunit ngayon, mas matatag siya, mas determinado, at mas may malinaw na direksyon. Dalawa sa kanyang mga anak ang sabay na magtatapos sa kolehiyo—isa sa kursong Political Science at isa sa Environmental Science. Isang malinaw na patunay na ang lahat ng kanyang sakripisyo ay unti-unti nang nagbubunga.
Ang kwento ni Nanay Rowena ay kwento ng katatagan at pagbangon. Isang paalala na ang pagiging solo parent ay hindi hadlang kundi isang panibagong lakas upang ipagpatuloy ang laban para sa pamilya.
Sa bawat padyak ng kanyang food cart at sa bawat lutong kanyang inihahain, hindi lamang kabuhayan ang kanyang binubuo—kundi isang mas maliwanag na kinabukasan para sa kanyang mga anak.
At sa kanyang tahimik ngunit matapang na pakikibaka, nasasalamin ang tunay na diwa ng isang Pilipinong magulang—mapagtiis, matatag, at hindi kailanman sumusuko.
Sa pagdiriwang ng Solo Parents Week, si Nanay Rowena ay isang buhay na patunay na sa tulong ng mga programang tulad ng 4Ps at SLP, at sa lakas ng loob ng isang magulang, kayang lampasan ang anumang pagsubok—at gawing inspirasyon ang bawat paghihirap tungo sa pag-asa at tagumpay.
###
![]()






