Ang buhay ng isang ina ay puno ng pagmamahal, at para kay Nanay Cesel P. Red ng Barangay Landy, Santa Cruz, Marinduque, ang pagmamahal na iyon ay nakikita sa bawat halaman na kanyang inaalagaan at sa bawat ani na buong pusong ibinabahagi sa kanyang komunidad. Sa kabila ng limitadong kita at pang-araw-araw na hamon, patuloy siyang nagsisikap upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya habang tumutulong din sa mga kapitbahay sa pamamagitan ng sariwa at masustansiyang gulay.

Bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), naniniwala si Nanay Cesel na may mas magandang bukas para sa kanyang pamilya. Nang maibukas ng DSWD MIMAROPA ang Sustainable Livelihood Program (SLP), ito ay nagsilbing pintuan ng pagkakataon—upang mapalago ang kabuhayan, matutukan ang pamilya, at maisakatuparan ang pangarap ng mas maunlad na buhay. Hindi nag-atubili si Nanay Cesel na humakbang pasulong at tanggapin ang hamon ng bagong proyekto.

Noong Agosto 14, 2025, opisyal niyang natanggap ang ₱10,000 na Seed Capital Fund, na ginamit upang palakasin ang kanyang Vegetable Farming Project. Nagtanim siya ng mais, kalabasa, pipino, kamatis, pechay, pakwan, at sitaw sa sariling lupa—bawat binhi ay simbolo ng pag-asa at pagtitiyaga para sa mas maunlad na kinabukasan.

Hindi lamang sa kita nasusukat ang tagumpay ni Nanay Cesel. “Hindi lamang para sa aming pamilya ito,” ani siya. “Naniniwala ako na sa pamamagitan ng aking gulayan, makatutulong ako sa pagpababa ng gastusin sa pagkain ng aming mga kapitbahay.” Sa direktang pagbebenta sa komunidad at kalapit na barangay, hindi lamang niya napapalago ang kabuhayan, kundi nagiging haligi rin siya ng kanilang pamayanan.

Sa bawat araw, nararamdaman ni Nanay Cesel ang positibong pagbabago na dala ng SLP. Natutunan niyang palaguin at pamahalaan ang kabuhayan nang may sipag at diskarte. Ang kanyang kwento ay patunay na ang isang maliit na tulong, kapag inalagaan nang may buong puso, ay maaaring magbunga ng pagbabago sa buhay ng pamilya at komunidad.

Ang Sustainable Livelihood Program ay hindi lamang nagbibigay ng puhunan, kundi nagbibigay ng kakayahan at kumpiyansa sa mga benepisyaryo. Ipinapakita ng kwento ni Nanay Cesel na sa pamamagitan ng tamang oportunidad, sipag, at determinasyon, ang bawat hamon ay maaaring gawing hakbang tungo sa mas maliwanag na kinabukasan.

Loading