Sa Barangay Inagawan Sub-Colony, So. Tacduan, Puerto Princesa City, matatagpuan ang kuwento ng isang ina, asawa, at lider-komunidad na si Elba T. Sola, 51 taong gulang—isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa loob ng mahigit labinlimang taon. Higit sa tulong pinansyal, ang 4Ps ay naging katuwang niya sa paghubog ng disiplina, oportunidad, at direksyon tungo sa mas maayos na pamumuhay.

Bilang isang Parent Leader, aktibo si Ate Elba sa pakikilahok sa mga gawain ng barangay at programang pangkomunidad tulad ng tree planting, barangay assembly, clean-up drive, at coastal activities. Sa kanyang pakikibahagi, unti-unting nahubog hindi lamang ang kanyang kakayahan sa pamumuno kundi pati ang kanyang pananaw sa kahalagahan ng sama-samang pag-unlad.

Mula sa Simpleng Kabuhayan tungo sa Pagpupunyagi

Bago pa man siya lubos na makilala sa larangan ng pandan weaving, dumaan si Ate Elba sa maraming pagsubok sa kabuhayan. Taong 2008, sinubukan niyang magtayo ng sari-sari store na tumagal lamang ng apat na taon. Ang kanyang asawa, si Allan, ay isang mangingisda na umaasa sa lumang bangka, kung saan sapat lamang ang kita para sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya at pag-aaral ng kanilang tatlong anak.

Upang makatulong, nagtanim si Ate Elba ng humigit-kumulang 3,000 puno ng tanglad sa kanilang lupain. Bagama’t kumita siya nang minsan, hindi rin ito nagtagal. Ang mga karanasang ito ang humubog sa kanyang determinasyon na maghanap ng mas matatag na kabuhayan—isang landas na kalaunan ay kanyang natagpuan sa pandan weaving.

Ang Pag-usbong ng Likha at Diskarte

Noong 2012, nagsimula si Ate Elba sa pandan weaving, isang kasanayang kanyang nasulyapan mula sa kanyang ina at lola. Sa simula, ito ay simpleng libangan lamang, ngunit kalaunan ay nakita niya ang potensyal nito bilang pagkakakitaan. Mula sa paggawa ng wallet, bag, at sombrero, siya ay naglakako sa mga pagpupulong sa paaralan, Family Development Sessions (FDS), at iba pang pagtitipon.

Dahil sa lumalaking interes ng mga mamimili, nagsimula siyang magtanim ng pandan sa kanilang bakuran, na umabot sa mahigit isang daang puno. Ang maliit na hakbang na ito ay naging pundasyon ng kanyang lumalawak na kabuhayan.

4Ps bilang Tulong at Gabay sa Pagpapatatag

Noong 2015, lumahok si Ate Elba sa isang isang linggong training sa pandan handicrafts sa Barangay Luzviminda, Puerto Princesa City sa tulong ng CSWD at mga partner organizations. Dito niya mas pinahusay ang kanyang kakayahan sa disenyo at produksiyon. Ang mga kagamitang ibinigay matapos ang training ay naging malaking tulong sa pagsisimula ng mas organisadong paggawa.

Bagama’t hindi tuluyang nagpatuloy ang kanilang grupo, nanatiling matatag si Ate Elba. Ang disiplina at kaalamang nakuha niya sa mga programang kaakibat ng 4Ps ang naging sandigan niya upang magpatuloy mag-isa.

Pagkilala sa Digital na Panahon at Paglago ng Kabuhayan

Taong 2018 hanggang 2019, nagkaroon siya ng cellphone na naging tulay upang maipakita ang kanyang mga likha sa social media. Sa pamamagitan ng Facebook, natuklasan siya ng isang handicraft shop sa Puerto Princesa City. Mula rito, nagsimula siyang tumanggap ng mga order para sa iba’t ibang disenyo ng pandan products.

Ang kita mula dito ay malaking tulong sa pangangailangan ng pamilya—lalo na sa edukasyon ng kanyang anak na nasa kolehiyo at sa gastusin ng kanyang asawang may karamdaman tulad ng hypertension at rayuma.

Ngunit tulad ng maraming kwento ng pagbangon, dumating ang pandemya na nagpahina sa kanyang kabuhayan dahil sa pagsasara ng mga tindahang kanyang binabagsakan.

Pag-aaral, Paglilingkod, at Panibagong Yugto

Hindi natapos ang kanyang paglalakbay sa kabuhayan. Noong 2024, pumasok si Ate Elba sa Alternative Learning System (ALS) kasama ang kanyang pamilya. Sa kabila ng pagiging abala sa pag-aalaga ng apo, pinili niyang mag-aral at tapusin ang secondary level.

Noong Hulyo 11, 2025, nagtapos siya bilang Top Achiever (Top 1) sa Robinsons Palawan—isang patunay na ang edad ay hindi hadlang sa pag-abot ng pangarap.

Mula rito, mas lumawak pa ang kanyang misyon. Noong Abril 2025, naimbitahan siyang magsagawa ng training sa paggawa ng sombrero, bayong, at wallet para sa mga kababaihan sa Barangay Luzviminda. Noong Marso 16, 2026 naman, ibinahagi niya ang kanyang kaalaman sa Livelihood Training para sa Badjao community at 4Ps beneficiaries na dinaluhan ng 35 kalahok.

4Ps: Binhi ng Pag-asa, Paglago, at Pagbabago

Sa kabuuan ng kanyang paglalakbay, ang 4Ps ay nagsilbing higit pa sa tulong pinansyal para kay Ate Elba. Ito ay naging tulay ng oportunidad, gabay sa paghubog ng disiplina, at daan upang makilala niya ang kanyang kakayahan bilang isang ina, lider, at tagapagtaguyod ng kabuhayan.

Mula sa simpleng benepisyaryo, siya ngayon ay naging tagapagbahagi ng kaalaman at inspirasyon sa kapwa niya kababaihan at 4Ps members.

Isang Buhay na Hinabi ng Pag-asa

Sa bawat banig, sombrero, at bag na kanyang nalilikha, hindi lamang pandan ang kanyang hinahabi—kundi ang kinabukasan ng kanyang pamilya at komunidad.

Ang kwento ni Ate Elba T. Sola ay patunay na ang 4Ps ay hindi nagtatapos sa tulong na ibinibigay, kundi nagsisimula sa binhing itinatanim—na kung aalagaan ng sipag, tiyaga, at determinasyon, ay magbubunga ng buhay na puno ng pag-asa at tagumpay.

###

Loading