May mga kuwento na hindi agad nakikita sa listahan ng mga benepisyaryo. Mga kuwentong hindi nasusukat sa numero, kundi sa tibay ng loob at lalim ng pinaghugutan.
Isa ang kwento ni Municipal Link (ML) Jermiane Espinosa sa mga iyon.
Ngayon ay isa nang kawani ng programa, ngunit minsan, siya rin ay isang batang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)… at sa isang yugto ng kanyang buhay, naging Not Attending School (NAS) child.
Labing-apat na taong gulang pa lamang siya nang mawala ang haligi ng kanilang tahanan, ang kanyang ama. Sa murang edad, biglang nagbago ang lahat. Bilang panganay, sa kanya bumagsak ang responsibilidad at bigat ng sitwasyon. Dahil sa matinding kahirapan, napilitan siyang tumigil sa pag-aaral ng isang taon.
Para sa maraming kabataan, doon na sana nagtatapos ang pangarap.
Pero para sa kanya, doon pa lamang nagsimula ang laban.
Sa edad na dapat ay nag-aaral at nangangarap, siya ay natutong magbanat ng buto para matulungan ang kaniyang ina na labandera. Pumasok siya sa trabaho. Takot, nangangapa, at walang kasiguraduhan. Sa halagang 150 piso kada araw, tiniis niya ang pagod, puyat, at maging ang masasakit na salita.
“B*bo ka.”
“Ang t*nga-t*nga mo.”
“Hindi ka ba nag-iisip?”
Mga salitang tumatak, ngunit hindi nakapagpatigil sa kanya.
Sa loob ng halos anim na taon, pinagsabay niya ang trabaho at pag-aaral. Gabi-gabi, mula alas-siyete ng gabi hanggang alas-siyete ng umaga, siya ay nagtatrabaho bilang dishwasher, room boy, cashier, at kung anu-ano pang gawain. Pagsapit ng alas-otso ng umaga, papasok naman siya sa paaralan, pilit nilalabanan ang antok at pagod.
Habang ang iba ay natutulog, siya ay naglilinis ng sasakyan ng amo. Habang ang iba ay nasa hapag kasama ang pamilya, siya ay mag-isang nagtatrabaho tuwing Pasko, kaarawan, at Bagong Taon.
May mga gabing sa maliit na plastik na upuan lamang siya nakakatulog. Minsan hindi pa namamalayan kung gaano katagal. May mga umagang nanginginig sa pagod, pilit binubuhat ang mabibigat na gamit, at naglalagay ng kandila sa bawat silid kapag walang ilaw sa hotel na pinagtatrabahuhan niya.
Hindi madali… Hindi kailanman naging madali.
Ngunit sa kabila ng lahat, may isang bagay siyang hindi binitiwan. Ang kanyang pag-aaral.
“Sa totoo lang, ang pag-aaral na lang ang dahilan kaya nakakaya ko noon,” aniya. “Kapag nasa school ako… doon ko nararamdaman na bata pa rin ako. Doon ko nararamdaman na may pangarap pa ako.”
Hanggang sa dumating ang tagumpay.
Taong 2019, siya ay nakapagtapos ng 4th year college at nakapasa sa board exam. Sa parehong taon, agad siyang natanggap sa trabaho sa 4Ps, isang programang minsang naging bahagi ng kanyang pagkabata bilang NAS child.
Mula roon, nagsimula ang kanyang bagong yugto ng buhay.
Taong 2020, siya ay naging Social Welfare Assistant (SWA) sa Coron, Palawan. Noong 2023, siya ay naging Municipal Link (ML) na na-assign sa Roxas, Palawan. Mula sa pagiging benepisyaryo, siya ngayon ay isa nang lingkod ng programang tumulong sa kanya noon.
At sa bawat hakbang ng kanyang paglilingkod, dala niya ang alaala ng kanyang pinagmulan… ang kahirapan, ang sakripisyo, at ang pag-asa.
At dito pumapasok ang tunay na diwa ng 4Ps.
Ang programa ay hindi simpleng ayuda lamang. Ito ay tulay. Isang pagkakataon para ang mga batang tulad niya ay makabalik sa paaralan, makabangon, at makapagsimulang muli.
Sa kabila ng pagiging benepisyaryo, hindi siya umasa lamang sa tulong. Ginamit niya ito bilang sandigan habang siya ay patuloy na lumalaban.
Ngayon, kapag tinanong siya kung may galit ba siya sa kanyang mga pinagdaanan, simple ang sagot niya—wala.
Hindi dahil tama ang lahat ng kanyang pinagdaanan, kundi dahil pinili niyang makita ang mas malaking larawan: na sa kabila ng lahat, nagkaroon siya ng pagkakataong magpatuloy.
“Ngayon, maayos na kami… awa ng Diyos,” aniya.
At ngayon, ang batang minsang NAS at benepisyaryo ng 4Ps ay isa nang bahagi ng programang minsang umalalay sa kanya.
Ang kanyang kuwento ay paalala.
Na ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay hindi tamad.
Hindi sila umaasa lang.
Hindi sila limitado sa kahirapan.
Sila ay mga taong may laban. May pangarap. At may kakayahang bumangon, kung bibigyan ng pagkakataon.
Sa likod ng bawat pangalan sa listahan ay isang kuwento ng sakripisyo, pagtitiis, at pag-asa.
At tulad niya, maraming tahimik na lumalaban, hindi para manatili sa kahirapan, kundi para tuluyang makaalpas dito.
Dahil ang 4Ps ay hindi katapusan.
Minsan, ito ang simula.
![]()
