Isang Kuwento ng Pagbangon mula sa 4Ps

Hindi lahat ng laban ay nakikita. May mga laban na tahimik—sa loob ng bahay na walang laman ang kaldero, sa gabing natutulog nang kumakalam ang sikmura, at sa umagang gigising muli para kumayod kahit kapos ang lakas.

Ganito nagsimula ang kwento ng isang pamilyang minsang tinuring na kabilang sa poorest of the poor—isang pamilyang ang kabuhayan ay umaasa sa pangingisda, at ang kita ay sapat lamang para sa isang araw, kung minsan ay kulang pa. “Isang kahig, isang tuka,” ika nga. Anim na magkakapatid, baon sa utang, at halos araw-araw ay kinakapos.

Taong 2010 nang maging bahagi sila ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Labing-anim na taong gulang pa lamang siya noon—hindi nag-aaral, at hindi kabilang sa mga direktang benepisyaryo. Dalawa lamang sa kanyang mga kapatid ang nakasama sa programa. Ngunit kahit hindi siya direktang tumatanggap ng tulong, naging saksi siya sa unti-unting pagbabago ng kanilang buhay.

Sa tulong ng 4Ps, nagkaroon ng kaunting ginhawa ang kanilang pamilya. Naging mas tiyak ang pagkain sa hapag, at higit sa lahat, nabigyan ng pagkakataon ang kanyang mga kapatid na makapagpatuloy sa pag-aaral. Habang may kaunting suporta mula sa programa, doble-kayod naman ang kanilang mga magulang—pinagkakasya ang kita mula sa pangingisda upang maitawid ang pangarap ng buong pamilya.

Hindi naglaon, dumating din ang pagkakataon para sa kanya. Nakabalik siya sa pag-aaral at nagtuloy hanggang kolehiyo, kinuha ang kursong Bachelor of Science in Social Work. Isang dating out-of-school youth, ngayo’y unti-unting binubuo ang pangarap—hindi lang para sa sarili, kundi para sa pamilyang minsang nangarap lamang ng sapat na pagkain sa araw-araw.

Ang kanilang tahanan noon na puno ng kakulangan, ngayo’y tahanan na ng tagumpay.

Ang kanyang Ate, isang ganap na Registered Midwife. Dalawa sa kanilang magkapatid, parehong Registered Social Workers, kabilang ang isang dating benepisyaryo ng 4Ps. At ang isa pa, isang graduate ng Nautical, na ngayo’y nagtatrabaho bilang Seaman.

Hindi ito kwento ng pag-asa na basta na lamang ibinigay. Ito ay kwento ng pagtutulungan ng programang nagbukas ng pinto, at ng pamilyang buong pusong pumasok at nagsumikap.

Ngayon, bilang isang lingkod-bayan at bahagi na rin ng programang minsang tumulong sa kanila, dala niya ang isang malinaw na paninindigan:

“Hindi kami tamad. Mahirap lang kami noon.”

At sa mga patuloy na kumukwestyon sa kakayahan at sipag ng mga benepisyaryo ng 4Ps, ang kwentong ito ay isang paalala—na ang tulong, kapag sinabayan ng sipag, disiplina, at pangarap, ay nagiging tulay, hindi tanikala.

Ang 4Ps ay hindi sagot sa lahat—ngunit para sa pamilyang ito, ito ang naging simula ng lahat.

Isang pagkakataon.
Isang pag-asa.
Isang buhay na nabago.

 

Loading