Santa Cruz, Marinduque – Isang patunay ng epektibong implementasyon ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD Field Office MIMAROPA ang kwento ni Ginang Marilou Adabalagao, 47 taong gulang, mula sa Barangay Napo. Bilang isang ina at pangunahing haligi ng kanyang pamilya, patuloy niyang hinaharap ang mga hamon ng buhay upang matustusan ang pangangailangan sa pag-aaral ng kanyang dalawang anak—ang isa ay kasalukuyang nasa kolehiyo at ang bunso ay nasa sekundarya.
Bago pa man siya maging bahagi ng programa, nagsimula na si Ginang Marilou, kasama ang kanyang asawa, sa paggawa ng fabric bags bilang kanilang pangunahing pagkakakitaan. Sa kabila ng limitadong kagamitan at puhunan, nagsilbi itong panimulang hakbang upang masuportahan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya. Noong Hulyo 16, 2024, nabigyan siya ng pagkakataon na mapalawak ang kanilang kabuhayan nang tumanggap siya ng ₱15,000 seed capital fund sa ilalim ng SLP. Ginamit niya ito sa pagbili ng mga materyales tulad ng tela, sinulid, straps, at iba pang kagamitan sa pananahi, na nagbigay-daan sa mas maayos at tuloy-tuloy na produksyon ng kanilang mga produkto.
Sa paglipas ng panahon, unti-unting naging matatag ang kanilang maliit na negosyo. Ang paggawa ng fabric bags ay naging mahalagang pinagkukunan ng kita na tumutulong sa gastusin sa bahay at sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Upang higit pang mapalago ang kanilang kabuhayan, pinalawak ni Ginang Marilou ang kanilang merkado sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga mamimili at tindahan sa bayan. Sa kabila ng mga pagsubok tulad ng limitadong kita, pagod, at hindi tiyak na kondisyon ng panahon, nananatili ang kanyang determinasyon na paunlarin ang kanilang negosyo at maitaguyod ang kinabukasan ng kanyang pamilya.
“Nagpapasalamat po kami sa DSWD MIMAROPA, lalo na sa SLP, sa ibinigay na puhunan sa amin. Malaki po ang aming pasasalamat dahil ang dati lamang naming kakayahan sa pagtatahi ay aming napalago at ngayon ay isa nang negosyo na nakakatulong sa amin sa pang-araw-araw,” ani Ginang Marilou.
Ang kwento ni Ginang Marilou ay sumasalamin sa layunin ng Sustainable Livelihood Program na hindi lamang magbigay ng panimulang puhunan, kundi palakasin ang kakayahan ng mga benepisyaryo na maging produktibo at responsable sa pamamahala ng kanilang kabuhayan. Sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at wastong paggamit ng tulong na ipinagkaloob, nagiging posible ang pagkakaroon ng mas matatag at pangmatagalang pag-unlad hindi lamang para sa indibidwal, kundi para sa buong pamilya at komunidad.
![]()




