Mas pinaigting ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office MIMAROPA ang kampanya laban sa mapagsamantalang gawain ng paggamit ng 4Ps cash card bilang kolateral sa pautang, sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon.
Sa Lalawigan ng Palawan, isinusulong ang pagpapatupad at pag-aangkop ng Provincial Ordinance No. 3580 na may pamagat na “Prohibiting the Use of Cash Card and Other 4Ps Documents as Loan Collateral in Granting and Obtaining Any Form of Loan or Indebtedness within the Territorial Jurisdiction of the Province of Palawan.” Layunin nitong wakasan ang tinatawag na ATM sangla, na naglalagay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa mas malalim na pagkakautang.
Sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang lumalawak na suporta ng mga lokal na pamahalaan sa Palawan. Bilang suporta, naipatupad na ang mga Municipal Ordinance sa Bataraza, Taytay, Aborlan, Agutaya at Dr. Jose P. Rizal, at mga Barangay Ordinance sa New Guinlo, Taytay; Buliluyan, Bataraza; Calasaguen, Brooke’s Point; at Madoldolon, Araceli. Patunay ito ng lumalawak na pagkilos ng mga lokal na pamahalaan.
Dagdag pa rito, nauna nang nagpatupad ang Bayan ng Mogpog sa probinsya ng Marinduque ng Municipal Ordinance No. 2021-262, na nagbabawal sa ilegal na paggamit ng 4Ps cash card IDs, patunay na ang ganitong uri ng polisiya ay epektibong hakbang na maaaring tularan ng iba pang lokal na pamahalaan sa rehiyon.
Sa ilalim ng mga ordinansang ito, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng cash card at iba pang kaugnay na dokumento ng 4Ps bilang garantiya sa anumang uri ng pautang. Tinitiyak nito na ang tulong pinansyal mula sa pamahalaan ay direktang napapakinabangan ng mga benepisyaryo at hindi nauuwi sa pagbabayad ng mataas na interes sa mga nagpapautang.
“Sa pamamagitan ng ordinansang ito, hindi lamang natin pinipigilan ang mapanirang gawain ng illegal lending—pinoprotektahan din natin ang dignidad at kinabukasan ng ating mga benepisyaryo. Kasabay nito, patuloy nating isusulong ang financial literacy at disiplina sa paghawak ng salapi, upang tunay nilang maramdaman ang layunin ng 4Ps: ang pag-angat ng kanilang kabuhayan,” pahayag ni Municipal Mayor Al Shariff W. Ibba ng Bataraza, Palawan.
Binibigyang-diin ng DSWD Field Office MIMAROPA ang kahalagahan ng malawakang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, partner agencies, at komunidad upang masigurong epektibo ang implementasyon ng mga ordinansang ito. Kasabay nito, patuloy ring pinalalakas ang mga programa sa financial literacy upang mahubog ang responsableng pamamahala ng salapi ng mga benepisyaryo.
Ang lumalawak na bilang ng mga ordinansang naipapatupad ay malinaw na patunay ng nagkakaisang pagkilos laban sa mapanirang lending practices. Ito rin ay nagsisilbing panawagan sa iba pang Pamahalaang Lokal sa MIMAROPA na magpatibay at magpatupad ng katulad na mga polisiya upang maprotektahan ang karapatan, dignidad, at kinabukasan ng mga pamilyang Pilipino.
Sa huli, ang bawat ordinansang naipapatupad ay isang mahalagang hakbang tungo sa tunay na layunin ng 4Ps—ang mapagaan ang buhay at maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat benepisyaryo.
##
![]()
