“Pinili kong bumalik dahil gusto kong maging bahagi ng pagbabago, lalo na para sa mga tulad ko noon.”

Sa mga salitang ito, malinaw na bumabalik ang buong siklo ng kanyang paglalakbay. Mula sa batang umaasa, patungo sa isang propesyonal na ngayo’y naglilingkod sa kapwa. Ang dating 4Ps child na minsang umaasa sa suporta ng programa ay hindi lamang nakaahon sa kahirapan, kundi ngayon ay aktibong nagbabalik ng serbisyong minsang nagbago sa kanyang buhay.

Kahirapan ang nagsilbing inspirasyon ko,” ani Jemuel Steven Manlolo Mago, isang dating batang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na ngayon ay isa nang ganap na Inhinyerong Sibil at naglilingkod bilang ACT Technical Facilitator ng KALAHI-CIDSS sa probinsya ng Romblon.

Ngunit bago ang lahat ng ito, si Jemuel ay isa lamang sa maraming batang Pilipinong nangangarap nang tahimik, simple, ngunit matatag.

Lumaki siya sa isang pamilyang kapos sa buhay, kung saan bawat araw ay may kaakibat na hamon. Kasabay ng kakulangan ay ang mapanghusgang tingin ng lipunan… ang paniniwalang ang mga tulad nila ay hanggang doon na lamang.

“Madalas kong maranasan ang pangmamaliit dahil mahirap lang kami,” pag-amin niya. “May mga nagsasabing umaasa lang kami sa ayuda.”

Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, ginawa niya itong lakas.

“Pero hindi ako nagpatinag. Lumaban ako ng patas at buong puso kong hinarap ang lahat ng pagsubok. Ang 4Ps ang naging gabay ko para ipagpatuloy ang pangarap ko,” ani Jemuel. “Isa ito sa mga dahilan kung bakit ako nakatapos.”

Noong 2014, isang batang mula sa Romblon ang umangat sa pambansang entablado. Siya ay kinilala bilang National Exemplary Child Grand Winner, isang parangal na hindi lamang para sa kanya, kundi para sa bawat batang lumalaban sa gitna ng kahirapan.

“Hindi iyon basta parangal, paalala iyon na may pantay na oportunidad ang lahat, mayaman man o mahirap.”

Ngunit kasabay ng pagkilala ay responsibilidad. “Alam kong kailangan kong maging mabuting halimbawa… manatiling matuwid, magpakumbaba, at magsilbing inspirasyon sa iba.”

Sa kabila ng mga tagumpay, hindi naging madali ang landas patungo sa kanyang propesyon. Pinili niyang tahakin ang Civil Engineering, isang kursong para sa marami ay tila hindi abot ng mga tulad niyang kapos sa buhay.

“Akala ko noon, hindi para sa akin ang kursong ito,” aniya. “Pero iyon din ang naging dahilan para patunayan kong kaya ko.”

Sa bawat puyat, pagod, at pagkakataong nais nang sumuko, may isang bagay na palagi niyang binabalikan.

“Maraming beses kong naisipang sumuko, pero lagi kong inaalala kung bakit ko ito sinimulan. Yun ay dahil sa pamilya ko, ang mga taong naniniwala sa akin, at ang Diyos.”

At sa huli, nagtagumpay siya.

Ngunit para kay Jemuel, ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa personal na tagumpay, kundi sa pagbabalik at paglilingkod.

“Minsan na akong naging produkto ng DSWD. Ngayon, bahagi na ako nito.”

Sa halip na piliin ang mas komportableng landas bilang inhinyero, pinili niyang maglingkod sa KALAHI-CIDSS, isang programang nagbibigay boses sa komunidad na nasa laylayan.

Sa bawat komunidad na kanyang pinupuntahan, paulit-ulit niyang nakikita ang kanyang sarili.

“Marami pa ring batang tulad ko noon, mahihirap pero nangangarap.”

At para sa kanila, malinaw ang kanyang mensahe:

“Maniwala kayo na may magandang bukas. Samahan ninyo ng sipag, tiyaga, at panalangin ang inyong mga pangarap.”

Ngayon, bilang isang inhinyero at lingkod-bayan, dala ni Jemuel hindi lamang ang kanyang titulo, kundi ang kanyang kwento—isang kwentong pinanday ng hirap, hinubog ng programa, at pinagtibay ng sariling pagsisikap.

Isa akong patunay na may mga pangarap na natutupad—sa tulong ng programa at sa sariling pagsisikap.

Sa huli, ang kanyang paglalakbay ay hindi lamang kwento ng pag-angat, kundi kwento ng pagbabalik.

Isang buong ikot ng pag-asa.

Tinulungan ako noon, kaya tinutulungan ko ngayon.

At kung ilalarawan niya ang kanyang buhay sa isang pangungusap? “Life’s a wild ride.

Isang biyahe na nagsimula sa kahirapan, at patuloy na tumatahak tungo sa pagbabago.

Loading