“Ako ay makakapatunay na ang programang 4Ps ay hindi isang dole-out, sapagkat ito ay namumuhunan sa magandang kinabukasan ng mga kabataan.”
Sa isang simpleng pahayag na puno ng bigat ng karanasan, inilalarawan ni Judy Ann De Los Reyes ang kanyang paglalakbay mula sa kahirapan patungo sa isang buhay na nakatuon sa paglilingkod. Siya ay isang dating 4Ps beneficiary na ngayon ay bahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na hindi lamang nagtatrabaho kundi patuloy na isinasabuhay ang mga aral ng programang minsang sumalo sa kanilang pamilya sa gitna ng matinding pagsubok.
Si Judy Ann, 28 taong gulang, ang panganay sa pitong magkakapatid. Ang kanyang kabataan ay hindi naging madali. Lumaki siya sa isang tahanang madalas nakasandal sa pagsasaka ng kanyang ama at sa iba’t ibang hanapbuhay na pinasok nito upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Ang kanyang ina naman ay nanatili sa bahay upang alagaan silang magkakapatid, habang sabay na kinakaharap ang realidad ng kakulangan at kawalan ng kasiguruhan sa kita.
Sa murang edad, natutunan ni Judy Ann ang bigat ng salitang “kahirapan.” Hindi ito basta konsepto para sa kanya. Ito ay mga araw na walang pamasahe papasok ng paaralan, mga pagkakataong kailangang maglakad nang malayo upang maiwasan ang kahihiyan sa mga tindahang may utang ang pamilya, at mga gabing kailangang tiisin ang gutom dahil walang sapat na bigas na maisaing. Naranasan din niyang lumipat ng tirahan nang ilang beses, dahilan upang magpalipat-lipat din siya ng paaralan noong elementarya, hanggang sa makapagtapos siya sa Talacagay Elementary School sa Negros Occidental bilang salutatorian noong 2010.
Sa kabila ng mga hamon, nanatili ang kanyang determinasyon. Sa high school sa Bulwangan National High School–Talacagay Extension, aktibo siya sa mga extracurricular activities, dala ang pangarap na makaahon sa kabila ng kakulangan sa pera. Madalas, ang kanyang paglahok sa mga kumpetisyon ay nakasalalay sa kakayahang manghiram ng pera ng kanyang Lolo kapalit ng isang sakong palay, isang sakripisyong sumasalamin sa lalim ng kanilang sitwasyon.
Pagdating niya sa kolehiyo, mas tumindi pa ang pagsubok. Sa tulong ng isang kamag-anak, pansamantala siyang tumira sa ibang lugar upang makapag-aral, ngunit kapalit nito ang bigat ng responsibilidad at ang unti-unting paglayo sa mga bagay na dati niyang kinagisnan sa paaralan. Nawalan siya ng oras para sa mga organisasyon at nakaranas ng pagbaba ng academic performance, ngunit hindi nito naputol ang kanyang pangarap.
Sa huling linggo bago ang kanyang graduation sa high school, dumating ang isang matinding dagok sa kanilang pamilya, naaksidente ang kanyang ama at kinailangang lagyan ng bakal na brace sa hita, dahilan upang mawalan ito ng trabaho. Sa puntong iyon, tila muling gumuho ang mga planong matagal nilang binubuo para sa kanyang pag-aaral. Naisip niyang magtrabaho bilang katulong sa Maynila upang makatulong, ngunit hindi natuloy ang planong iyon.
Sa halip, nagbukas ang mas malaking pagkakataon.
Napagpasyahan ng kanyang mga magulang na ipapunta siya sa Palawan upang doon ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo, sa paniniwalang mas marami itong oportunidad at scholarship na maaaring makatulong sa kanilang pamilya. Sa kanyang pagdating sa Puerto Princesa matapos ang anim na araw na paglalakbay nang mag-isa, dala niya ang halo-halong takot, pangamba, at pag-asa. Gayunpaman, mas nangingibabaw ang kanyang determinasyon at pangarap.
Hindi nagtagal nang siya ay nasa 1st semester ng kaniyang 1st year sa kolehiyo, napasama siya sa mga iskolar ng Expanded Students’ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA), isang bahagi ng 4Ps na nagbigay daan upang maipagpatuloy niya ang kolehiyo sa Western Philippines University–Puerto Princesa Campus. Dito niya naranasan ang mas matinding sakripisyo, ang pag-aaral habang nagtatrabaho bilang tagabantay ng talipapa sa gabi, nagbebenta ng gulay, isda, karne, at bigas habang suot pa ang kanyang uniporme matapos ang klase. Madalas siyang umuuwi ng hatinggabi o madaling araw, at doon pa lamang siya nakakapagsimula ng kanyang mga assignments, case studies, at review para sa exams.
Sa kabila ng pagod at puyat, nanatili siyang matatag. Minsan, tinapay lamang na may peanut butter at malamig na tubig ang kanilang pinagsasaluhan ng kanyang kaibigan habang nag-aaral. Ngunit sa mga simpleng sandaling iyon, unti-unting hinubog ang kanyang disiplina at paninindigan.
Sa tulong ng ESGP-PA, tuluyang nabago ang kanyang landas. Hanggang sa kalaunan, nakapagtapos siya bilang cum laude noong 2018 sa kursong Bachelor of Science in Social Work. Ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa kanya, kundi para sa kanyang pamilya na tahimik na umiyak sa tuwa at pag-asa.
Pagkatapos ng kolehiyo, nagpatuloy siya sa paghahanda para sa board exam sa tulong ng mga taong naniniwala sa kanya. At sa awa ng Diyos, siya ay naging Registered Social Worker (RSW).
Noong October 2018, pumasok siya sa DSWD bilang Social Welfare Assistant. Dito nagsimula ang isa pang mahalagang yugto ng kanyang buhay, ang pagbabalik sa institusyong minsang tumulong sa kanya, ngunit ngayon ay siya naman ang tumutulong sa iba. Sa loob ng halos walong taon ng serbisyo, mas lumalim ang kanyang pag-unawa sa kahalagahan ng programang 4Ps, hindi bilang tulong-pinansyal lamang kundi bilang tulay ng pagbabago.
Noong July 2023, siya ay naging Municipal Link. Sa tungkuling ito, mas naging malapit siya sa mga pamilyang benepisyaryo, mga pamilyang may parehong pinanggalingan ng kanyang kuwento. Sa bawat home visit, Family Development Session, at case management activity, hindi lamang siya tagapagpatupad ng programa, kundi isang taong nakakaunawa sa bawat pinagdaraanan ng mga pamilya.
Sa kasalukuyan, hindi lamang siya naglilingkod sa gobyerno kundi patuloy ding humuhubog ng sarili. Siya ay kasalukuyang nag-aaral ng Master of Science in Social Work with specialization in Social Work Administration sa Philippine Women’s University. Sa kabila ng trabaho at pag-aaral, patuloy siyang nagsusumikap, dala ang parehong determinasyon na nag-angat sa kanya mula sa kahirapan.
Para sa kanya, ang serbisyo ay hindi kailanman naging trabaho lamang.
“For me, working in the department is always personal. This is not just work, this is my calling… to touch lives of all ages, gender, and sector,” aniya.
Ang pagbabago ng kanilang pamilya ay patuloy ding sumasalamin sa bisa ng edukasyon at tiyaga. Ang kanyang pangalawang kapatid na lalaki ay nakapagtapos ng BS Business Administration noong 2024 sa Western Philippines University–Puerto Princesa Campus at ngayon ay nagtatrabaho na sa isang pribadong kumpanya matapos ang dalawang taong pagiging out-of-school youth (OSY). Ang kanyang pangatlong kapatid na lalaki ay bagong graduate ng Grade 12 sa El Nido at naghahanda na sa kolehiyo para sa kursong BS Criminology. Ang kanyang mga kapatid na babae ay patuloy ring nagsusumikap. Ang isa ay nasa Grade 11, ang isa sa Grade 8, ang isa sa Grade 5, at ang bunso sa Grade 3. Lahat ay patuloy na nagiging achievers sa kanilang pag-aaral.
Bagama’t grumaduate na ang kaniyang pamilya noong 2023, hindi nawala ang mga aral na iniwan nito sa kanilang buhay… ang disiplina, ang kahalagahan ng edukasyon, at ang paniniwalang ang kahirapan ay hindi hadlang sa pag-abot ng pangarap.
Para kay Judy Ann, ang 4Ps ay hindi kailanman “dole-out,” kundi isang human capital investment na nagbukas ng pintuan ng pagbabago.
Sa kanyang paglalakbay mula sa batang nangangarap hanggang sa isang lingkod ng bayan, dala niya ang isang malalim na paniniwala: ang bawat pagkakataon ay dapat suklian ng sipag, malasakit, at pagbabalik sa kapwa.
“When God gives you the chance to help, grab it. Few are given. Be grateful that you are the giver, and not the one who is in need. And to those who have received, prove that you are worthy.”
Sa kanyang kuwento, malinaw ang isang katotohanan. Ang 4Ps ay hindi lamang programa, kundi isang tulay ng buhay, pag-asa, at patuloy na pagbangon.
![]()










