Mula sa pagiging simpleng mamamayan ng Barangay Bantay sa Boac, Marinduque, ngayon ay kinikilala na ang Lucky Egg SLP Association bilang isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng itlog sa kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap, dedikasyon, at pagkakaisa, unti-unti nilang nabuo ang isang matagumpay na negosyong nagbibigay kabuhayan hindi lamang sa kanilang samahan kundi maging sa kanilang komunidad.

Nabigyang-buhay ang kanilang proyektong pangkabuhayan sa tulong ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD Field Office MIMAROPA na nagbigay ng suportang pinansyal at teknikal upang maisakatuparan ang kanilang layunin. Naging malaking bahagi rin ng kanilang pag-unlad ang suporta ng komunidad sa patuloy na pagtangkilik sa kanilang produktong itlog.

Ayon kay Gng. Nedy M. Gante, presidente ng samahan, halos walang araw na hindi nauubos ang kanilang produkto at may mga pagkakataong hindi sapat ang kanilang suplay upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamimili. Sa halip na maging hadlang, ginawa nila itong inspirasyon upang lalo pang pagbutihin ang kanilang negosyo at palakihin ang kanilang produksyon.

Sa pamamagitan ng maayos na pamamahala at disiplina sa paghawak ng kanilang kita, nakapagdagdag sila ng isandaang layer chicken mula sa orihinal na isandaan at limampung alaga. Dahil dito, mas lumaki ang kanilang produksyon ng itlog at nakakapagsuplay na rin sila sa mga karatig barangay at iba’t ibang resellers na nagtitinda sa mga sari-sari store.

Unti-unti ring lumawak ang kanilang merkado at mas maraming mamimili ang nagtitiwala sa kalidad ng kanilang produkto. Bukod sa dagdag kita, naging daan din ito upang mas mapatatag ang samahan at mabigyan ng mas malaking oportunidad ang bawat miyembro na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Higit pa sa tagumpay sa negosyo, ipinakita ng Lucky Egg SLP Association ang kahalagahan ng pagkakaisa, pagtutulungan, at pagtitiwala sa kakayahan ng bawat isa. Mula sa isang maliit na samahan sa komunidad, pinatunayan nilang ang simpleng pangarap ay maaaring maging realidad sa tulong ng tamang oportunidad at masipag na paggawa.

Ang kanilang kwento ay isang inspirasyon na nagpapakita na sa tulong ng Sustainable Livelihood Program, ang mga ordinaryong mamamayan ay maaaring magkaroon ng mas matatag na kabuhayan at mas maayos na kinabukasan para sa kanilang pamilya at komunidad.

 

Loading