Sa tahimik na pamayanan ng Barangay Devilla, isang payak ngunit makahulugang kwento ng pag-asa at tagumpay ang umukit ng inspirasyon sa puso ng maraming tao, ang kwento ng pamilyang Crispo. 

Sa kabila ng kahirapan at mga pagsubok sa buhay, pinatunayan nilang ang pangarap ay kayang abutin basta’t may tiyaga, sakripisyo, at pananalig.

Sa loob ng maraming taon, nagsumikap sina Amador at Natalia Crispo upang maitawid ang kanilang pamilya sa araw-araw na pangangailangan. Si Amador ay nagtitinda ng isda sa ilalim ng matinding init ng araw, habang si Natalia naman ay matiyagang nag-aasikaso ng kanilang maliit na sari-sari store upang makatulong sa gastusin ng pamilya. Nag-aalaga rin sila ng baboy bilang dagdag na kabuhayan. Ngunit sa kabila ng kanilang walang sawang paghahanapbuhay, madalas ay kulang pa rin ang kanilang kinikita para sa pagkain, pag-aaral, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Ngunit hindi kailanman naging hadlang ang kahirapan upang mangarap sila para sa kinabukasan ng kanilang mga anak.

Sa bawat baryang kanilang kinikita ay kalakip ang pawis, pagod, at sakripisyo. Sa kabila ng hirap ng buhay, hindi nawalan ng pag-asa ang pamilya nang sila ay maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Naging malaking tulong ang programa upang maipagpatuloy nila ang pag-aaral ng kanilang mga anak at mabigyan sila ng pagkakataong makabangon mula sa kahirapan.

Isa sa kanilang mga anak, si Ana Marie Crispo, ay may simpleng pangarap—ang maging isang guro balang araw. Sa kabila ng kakulangan sa buhay, buong tiyaga niyang tinahak ang kursong Bachelor of Science in Secondary Education major in Filipino sa Santa Cruz Institute. Hindi naging madali ang kanyang paglalakbay. Maraming pagkakataon na nangangamba ang pamilya kung paano nila maipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral, ngunit hindi kailanman pinanghinaan ng loob si Ana Marie.

Sa halip, lalo siyang naging determinado dahil nais niyang masuklian ang lahat ng sakripisyong ginawa ng kanyang mga magulang para sa kanilang pamilya.

At dumating ang araw na matagal nilang ipinagdasal.

Matapos ang maraming taon ng pagtitiis, pagsisikap, at walang sawang paniniwala sa pangarap, matagumpay na naipasa ni Ana Marie ang Licensure Examination for Teachers (LET). Hindi mapigilan ang luha ng tuwa at pagmamalaki ng buong pamilya nang malaman nila ang magandang balita. Ang bawat hirap, bawat pagod, at bawat sakripisyo ay nagbunga ng tagumpay.

Mula sa simpleng pamumuhay, sa pagtitinda ng isda, pag-aalaga ng baboy, at pamamahala ng maliit na tindahan, ngayon ay ipinagdiriwang ng pamilya Crispo ang pagkakaroon ng isang lisensyadong propesyunal sa kanilang tahanan.

Ang tagumpay ni Ana Marie ay hindi lamang tagumpay ng isang anak kundi tagumpay ng isang pamilyang hindi sumuko sa buhay. Ito ay patunay na ang edukasyon ay makapangyarihang sandata laban sa kahirapan, at na ang pangarap ay kayang maabot kapag sinamahan ng sipag, tiyaga, at suporta ng pamilya.

Hindi lamang si Ana Marie ang naging bunga ng sakripisyo at pagsisikap ng pamilya Crispo. Isa rin sa kanilang ipinagmamalaking anak si Allan Crispo, na kasalukuyang kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Electrical Engineering. Sa kabila ng mga hamon sa buhay, ipinakita rin ni Allan ang kanyang determinasyon hindi lamang sa akademiko kundi maging sa larangan ng palakasan.

Bilang isang mahusay na softball player, marami na siyang natanggap na parangal at pagkilala dahil sa kanyang husay at dedikasyon sa isport. Sa bawat laban na kanyang nilalaro at bawat medalya na kanyang natatanggap, dala niya ang inspirasyon ng kanyang pamilya at ang pangarap na makaahon sa hirap. Patunay si Allan na ang sipag, tiyaga, at talento ay maaaring maging daan tungo sa mas magandang kinabukasan.

Sa kasalukuyan, nagsisilbing inspirasyon ang pamilya Crispo sa kapwa nilang mga benepisyaryo ng 4Ps at sa iba pang pamilyang patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay. Ang kanilang kwento ay nagpapaalala na sa likod ng bawat tagumpay ay may mga magulang na handang magsakripisyo, mga anak na matapang mangarap, at mga programang tulad ng 4Ps na nagbibigay ng pag-asa at oportunidad para sa mas magandang kinabukasan.

Tunghayan sa kwento ng pamilyang Crispo na mula sa simpleng pagtitinda ng isda ay maaaring mabuo ang mga pangarap, at mula sa kahirapan ay maaaring sumibol ang tagumpay. Tunay na sa tulong ng sipag, pananampalataya, at pagkakataon, ang pag-asa ay kayang magbunga ng tagumpay. ###

Loading