Sipag at Oportunidad, Susi sa Pag-asenso: Kwento ni Ginang Angelita Dela Cruz

Sa bawat madaling-araw na pagpunta sa pier at sa bawat biyahe patungong Torrijos upang makahanap ng suplay ng isda, baon ni Ginang Angelita R. Dela Cruz ng Buyabod, Sta. Cruz, Marinduque ang pag-asang maitaguyod ang kanyang pamilya sa kabila ng hirap ng buhay. Bago ang taong 2025, ang kanyang maliit na pagtitinda ng isda ay nagsisilbi lamang sapat na pagkakakitaan para matustusan ang araw-araw na pangangailangan sa kanilang tahanan. 

Sa kabila ng limitadong puhunan at pagod sa araw-araw na paglalako, hindi siya nawalan ng determinasyon na mapabuti ang kanilang kalagayan. Para kay Ginang Angelita, bawat isdang kanyang na ibebenta ay katumbas ng pagkain sa hapag at dagdag pag-asa para sa kanyang pamilya.

Nagkaroon ng panibagong pag-asa ang kanyang kabuhayan noong Agosto 18, 2025 nang makatanggap siya ng ₱10,000 Seed Capital Fund mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD Field Office MIMAROPA. Sa tulong ng dagdag puhunan, mas nadagdagan ang kanyang paninda at naging mas maayos ang kanyang operasyon sa pagtitinda ng isda. 

Naging suplayer din siya ng isda ng ilang SLP beneficiaries na may smoked fish production noon sa kanilang lugar, dahilan upang lalo pang lumawak ang kanyang kabuhayan. Hindi naging madali ang lahat dahil kinakailangan pa niyang bumiyahe upang matiyak na may sapat siyang paninda araw-araw. Ngunit sa kanyang sipag at tiyaga, unti-unting dumami ang kanyang mga suki hanggang sa halos sold out na araw-araw ang kanyang mga paninda.

Bilang bunga ng kanyang pagsisikap, nakabili si Ginang Angelita ng second-hand na sidecar o “trambiya” na ginagamit niya ngayon upang mas mapalawak ang kanyang paglalako at maabot ang mas marami pang mamimili. Sa bawat pag-ikot ng kanyang trambiya, dala niya hindi lamang ang kanyang mga paninda kundi pati ang pangarap na maitaguyod nang mas maayos ang kanyang pamilya. 

“Maraming salamat po sa DSWD MIMAROPA SLP sa ipinagkaloob ninyong puhunan. Malaking tulong po ito sa aming pamilya at pangkabuhayan. Dahil dito, nagkaroon kami ng dagdag na kita at mas naging maayos ang aming araw-araw na pamumuhay. Lubos po kaming nagpapasalamat sa inyong suporta. Nagpapasalamat din po ako sa pamahalaan, sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa patuloy na pagsuporta sa mga maliliit na negosyante tulad ko,” emosyonal niyang pahayag. 

Ang kwento ni Ginang Angelita ay patunay na sa tulong ng tamang oportunidad, sipag, at determinasyon, ang simpleng kabuhayan ay maaaring maging daan tungo sa mas matatag at mas maayos na kinabukasan para sa pamilya.

 

Loading