Naujan, Oriental Mindoro – Ipinapakita ng buhay ni Ronjo Fernando Cayetano, 30 taong gulang at benepisyaryo ng Livelihood Assistance Grant (LAG) sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD Field Office MIMAROPA, ang patuloy na layunin ng programa na magbigay ng oportunidad para sa kabuhayan at pagbangon ng mga indibidwal at pamilyang nasa laylayan ng lipunan.
Sa kabila ng kanyang kalagayan bilang Person with Disability (PWD) matapos ma-paralisa noong siya ay nasa high school, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy niya ang pag-aaral sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) at mga pagsasanay sa ilalim ng TESDA, na nagbukas ng mas maraming oportunidad para sa kanyang pag-unlad.
Noong Setyembre 19, 2022, kabilang si Kuya Ronjo sa 50 benepisyaryo ng LAG-CY 2022 sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro kung saan nakatanggap siya ng ₱15,000 na ginamit bilang paunang puhunan sa pagtatayo ng isang maliit na sari-sari store sa kanilang tahanan.
Sa pamamagitan ng masinop na pamamahala, sipag, at tiyaga, unti-unting lumago ang kanyang negosyo. Kalaunan ay nakapagdagdag siya ng iba pang serbisyo tulad ng vendo Wi-Fi, E-Money Remittance Service, at iba pang produkto na nakatulong upang mapalawak ang kanyang kita at masuportahan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Pagpapaabot po ng taos-pusong pasasalamat sa Sustainable Livelihood Program dahil isa po ako sa 50 beneficiaries ng LAG 2022. Sa tulong po ninyong pangkabuhayan, hanggang ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang aking sari-sari store. Bilang isang Person with Special Needs, malaking tulong po ang SLP upang matugunan namin ang aming pang-araw-araw na gastusin at mga pangangailangan sa bahay, at nabigyan din po ako ng pagkakataong magkaroon ng hanapbuhay,” pahayag ni Kuya Ronjo. Ang kanyang karanasan ay patunay ng kahalagahan ng mga programang pangkabuhayan sa pagbibigay ng konkretong oportunidad para sa mga PWD at iba pang sektor.
Nanatiling aktibo si Kuya Ronjo sa kabila ng kanyang personal na hamon, sa kanyang komunidad at noong 2023 ay nahalal bilang Tagapangulo ng Samahan ng mga Persons with Disabilities (PWDs) sa Naujan.
Ang kanyang adbokasiya at online platform na “RhonjOnWheels” ay patuloy niyang isinusulong ang kamalayan sa kakayahan, karapatan, at potensyal ng mga PWD. Ito din ay sumasalamin sa layunin ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD MIMAROPA na hindi lamang magbigay ng kabuhayan, kundi magtanim ng pag-asa, palakasin ang dignidad, at magtaguyod ng mas inklusibo at mas matatag na kinabukasan para sa mga benepisyaryo at kanilang pamilya.
![]()





