ROMBLON – Isang makabuluhang yugto ng tagumpay ang ipinagdiriwang ngayong taon sa lalawigan ng Romblon sa pamamagitan ng serye ng Pugay Tagumpay 2026, kung saan kabuuang 1,391 na sambahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang inaasahang magtatapos sa programa bilang pagkilala sa kanilang pag-abot sa mas matatag at mas maunlad na antas ng pamumuhay.
Sa temang “Kwento ng Pangarap, Pagtataya, Pagbabago at Pagtataguyod,” kinikilala ng Pugay Tagumpay ang mga pamilyang naging katuwang ng programa sa loob ng maraming taon at matagumpay na naiangat ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng responsableng pagpapalaki sa kanilang mga anak, pagpapahalaga sa edukasyon at kalusugan, at patuloy na pagsusumikap upang maging higit na self-sufficient.
Sa iba’t ibang bayan ng Romblon, sama-samang nagtipon ang mga graduating households, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, partner agencies, at iba pang stakeholders upang ipagdiwang ang mahalagang panibagong kabanata sa buhay ng mga pamilyang nagtapos sa programa.
Sa San Agustin, umabot sa 296 na benepisyaryo ang kinilala sa isang seremonyang dinaluhan ng mga kinatawan ng Lokal na Pamahalaan at iba’t ibang partner agencies. Samantala, 74 na sambahayan naman ang nagtapos sa Cajidiocan, kabilang ang mga pamilyang nakamit ang Level 3 – Self-Sufficient Status, habang ang iba ay nagtapos sa pamamagitan ng natural attrition matapos makamit ang mga layunin ng programa.
Nagdaos din ng Pugay Tagumpay ang Santa Maria, kung saan 67 benepisyaryo ang pormal na nagtapos sa programa. Sa nasabing aktibidad, isinagawa ang ceremonial turnover ng mga case folders sa Municipal Social Welfare and Development Office bilang simbolo ng maayos na paglipat ng pangangalaga sa mga graduate households. Nagbigay rin ng food packs ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office bilang suporta sa mga nagsipagtapos.
Sa Santa Fe, pinarangalan ang 43 graduating beneficiaries sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan at iba’t ibang partner agencies. Samantala, sa Magdiwang, kinilala rin ang mga exiting beneficiaries sa isang seremonyang pinangunahan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kabilang ang ceremonial turnover na sumisimbolo sa patuloy na suporta sa mga pamilyang nagtapos sa programa.
Sa bawat seremonya, nagbahagi rin ng kanilang mga kwento ng pagbabago ang ilang piling benepisyaryo. Ibinahagi nila kung paano naging daan ang 4Ps upang mabigyan ng mas magandang edukasyon ang kanilang mga anak, mapabuti ang kalusugan ng kanilang pamilya, at magkaroon ng higit na kakayahang harapin ang mga hamon ng buhay. Ang kanilang mga salaysay ay nagsilbing inspirasyon at patunay na ang pagsisikap, tamang paggabay, at suporta ng pamahalaan ay maaaring magbunga ng pangmatagalang pagbabago.
Hindi lamang pagkilala sa pagtatapos ang Pugay Tagumpay. Ito rin ay pagpapatunay sa matibay na pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development, mga lokal na pamahalaan, partner agencies, at iba’t ibang stakeholders sa pagsusulong ng layunin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na wakasan ang intergenerational poverty at palakasin ang kakayahan ng mga pamilyang Pilipino na maging produktibo at self-reliant.
Habang tinatahak ng 1,391 graduating households sa Romblon ang panibagong yugto ng kanilang buhay, dala nila ang mga natutunan, pagpapahalaga, at kakayahang magsisilbing pundasyon ng kanilang patuloy na pag-unlad. Ang kanilang mga kwento ay nananatiling inspirasyon sa iba pang pamilyang patuloy na nagsusumikap tungo sa mas maliwanag at mas matatag na kinabukasan.
Ang Pugay Tagumpay ay hindi pagtatapos ng tulong—ito ay pagdiriwang ng tagumpay at panibagong simula para sa mga pamilyang handa nang tumayo sa sarili nilang mga paa at ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay tungo sa mas maunlad na bukas.
![]()



