Sa baybaying bahagi ng Brgy. Daykitin, Buenavista, Marinduque, matatagpuan si Ginang Arlene G. Reanzares, isang ina at asawa na buong sipag na nagsisikap upang mabigyan ng mas maayos na buhay ang kanyang pamilya. Sa kabila ng hirap ng buhay at mga pagsubok na dulot ng kalamidad, hindi siya nawalan ng pag-asa at patuloy na nagsikap para sa kinabukasan ng kanyang mga anak.

Bago niya tinanggap ang tulong mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD  Field Office MIMAROPA, dumaranas ng matinding kahirapan ang kanilang pamilya. Ang kanilang bahay na yari lamang sa kahoy ay nasira ng malakas na bagyo dahil sa kanyang lokasyong malapit sa dagat. Sa kabila nito, pinilit pa rin nilang mapag-aral ang kanilang mga anak upang magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

Noong Disyembre 13, 2023, nabigyan si Ginang Reanzares ng ₱15,000.00 na puhunan sa ilalim ng SLP Microenterprise Development track upang makapagsimula ng maliit na negosyo sa pagtitinda ng isda. Noon, siya at ang kanyang asawa ay simpleng naglalako lamang ng isda sa kanilang barangay at madalas ay hindi sapat ang kanilang kinikita para sa pang-araw-araw na gastusin.

Sa tulong ng programang SLP, unti-unting nagkaroon ng pagbabago sa kanilang buhay. Mula sa simpleng naglalako ng isda, nakabili sila ng sariling service tricycle na ginagamit ngayon sa paghahatid at pagtitinda ng isda sa iba’t ibang barangay at karatig-bayan gaya ng Gasan. Sa kabila ng hirap ng pagbibiyahe sa malalayong lugar at kabundukan, patuloy siyang nagsusumikap upang maihatid ang kanyang paninda at matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga mamimili.

Hindi lamang puhunan ang naitulong ng SLP kay Ginang Reanzares. Sa pamamagitan ng mga skills training at orientation, natutunan niya ang tamang pangangasiwa ng puhunan, pagba-budget, pag-iimpok, at pagpapalago ng maliit na negosyo. Dahil sa kanyang sipag at tiyaga, unti-unti ring naipatayo ng kanilang pamilya ang mas matibay na tahanan at nagkaroon ng dagdag na mapagkukunan ng kita tulad ng pananahi at pagtitinda ng ihaw-ihaw.

Sa paglipas ng panahon, naging inspirasyon si Ginang Reanzares hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa kanilang komunidad. Ipinakita niya na sa tulong ng sipag, tiyaga, at tamang oportunidad, ang maliit na puhunan ay maaaring maging daan tungo sa mas matatag na kabuhayan at mas maayos na kinabukasan.

“Mula sa tahimik at payak na paglalako ng isda sa sariling barangay, bitbit ang pag-asa at sipag, unti-unting humuhubog ang aking mga pangarap. Noon, limitado sa makitid na daan ang aking galaw; ngayon, malaya ko nang nararating ang iba’t ibang barangay at bayan sakay ng sarili kong tricycle service,” pagbabahagi ni Ginang Reanzares.

Ang kanyang kwento ay patunay na sa tulong ng Sustainable Livelihood Program, ang simpleng pangarap ay maaaring umusbong at magbunga ng pagbabago hindi lamang sa kabuhayan kundi sa buong buhay ng isang pamilya.

 

 

Loading