“Kung paanong ang mga lumang bakal at kagamitang itinuring na wala nang halaga ay maaari pang mapakinabangan at magkaroon ng bagong silbi, ganoon din ang naging paglalakbay ng aming pamilya. Mula sa mga pagsubok at kakulangan, unti-unti naming nabuo ang isang mas matatag, mas maunlad, at mas makabuluhang kinabukasan.”

Ganito inilalarawan ni Marylan B. Maalindog ang kanyang buhay… isang kuwentong nagpapatunay na walang pangarap na imposibleng maabot kapag sinamahan ng sipag, tiyaga, pananampalataya, at tamang oportunidad.

Sa Barangay Tabi, Bayan ng Boac, Marinduque, kilala si Marylan bilang isang masipag na mamimili ng scrap o junk materials. Araw-araw, kasama ang kanyang pamilya, nangangalakal siya ng mga lumang bakal at iba pang kagamitang itinapon na ng iba. Para sa marami, wala na itong halaga. Ngunit para sa kanya, bawat piraso ng bakal ay simbolo ng pag-asang maitaguyod ang pamilya at maitaguyod ang kinabukasan ng kanyang mga anak.

Bago maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), araw-araw ay isang laban para sa kanilang pamilya. Ang kinikita nila ay kadalasang sapat lamang para maitawid ang isang araw. May mga pagkakataong hindi pa ito umaabot para sa pagkain, matrikula, gamit sa paaralan, at iba pang pangunahing pangangailangan. Dahil dito, napipilitan silang mangutang upang mapunan ang kakulangan.

Hindi rin naiiba ang kanilang sitwasyon sa maram  ing pamilyang nakatira sa kanilang komunidad. Kahirapan, kakulangan ng hanapbuhay, at limitadong oportunidad ang araw-araw na realidad. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, hindi kailanman nawala sa puso ni Marylan ang pangarap na maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan.

Bilang isang ina, pinanghawakan niya ang paniniwalang ang edukasyon ang pinakamahalagang pamana na maiiwan niya sa kanyang mga anak. Ito ang nagsilbing lakas niya sa bawat araw ng pagsisikap.

“Pangarap ko rin na maging mabuting halimbawa sa aming komunidad at makilahok sa mga programang makatutulong hindi lamang sa aming pamilya kundi pati na rin sa iba,” pagbabahagi niya.

Hindi naglaon, nabuksan ang panibagong yugto ng kanilang buhay nang maging bahagi sila ng 4Ps. Ang tulong pinansyal ng programa ay naging malaking ginhawa sa kanilang pamilya, lalo na sa gastusin para sa edukasyon at kalusugan ng kanilang mga anak. Unti-unti nilang natutunang planuhin ang kanilang badyet, unahin ang mahahalagang pangangailangan, at mag-ipon para sa kinabukasan.

Ngunit para kay Marylan, higit pa sa tulong pinansyal ang ibinigay ng programa.

Ang 4Ps ay naging daan upang mas mapalawak ang kanyang kaalaman bilang magulang, maging mas responsable sa pamamahala ng kanilang pamilya, at magkaroon ng mas matibay na pananalig na kaya nilang baguhin ang kanilang buhay.

Dahil sa kanyang dedikasyon at malasakit sa kapwa, nagsilbi rin siyang Parent Leader sa loob ng apat na taon. Hindi naging madali ang tungkulin, ngunit buong puso niya itong ginampanan. Sa bawat Family Development Session, sa bawat paalala, at sa bawat pamilyang kanyang natulungan, nakita niya ang tunay na halaga ng paglilingkod.

“Totoo pong may mga panahong nawawalan ako ng pag-asa dahil sa hirap ng buhay at kakulangan sa mga mapagkukunan. Ngunit hindi ko isinuko ang aking mga pangarap. Mas lalo pa akong nagsikap, naghanap ng paraan upang kumita, nagtipid, nakilahok sa mga programang pangkabuhayan, at patuloy na nanalig na balang araw ay makakamit din namin ang mas magandang bukas,” ani Marylan.

Sa paglipas ng panahon, unti-unting nagbunga ang lahat ng kanilang sakripisyo. Mula sa pangangalakal ng mga lumang bakal, natutuhan nilang buuin ang isang matatag na pundasyon para sa kanilang pamilya… isang tahanang puno ng pag-asa, disiplina, at pangarap.

Ngayon, ang bawat bakal na kanyang napupulot ay hindi na lamang simbolo ng kabuhayan. Isa na rin itong paalala na tulad ng mga bagay na itinuring nang walang halaga, ang buhay ng tao ay maaari ring mabigyan ng panibagong pagkakataon.

Ang kuwento ni Marylan ay hindi lamang kuwento ng pag-ahon sa kahirapan. Isa itong patunay na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa taong handang magsikap, tumanggap ng pagkakataon, at maniwalang may mas magandang bukas na naghihintay.

Sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at sa hindi matatawarang determinasyon ng kanilang pamilya, ang mga dating pangarap ay unti-unti nang nagiging realidad.

At tulad ng mga lumang bakal na kanyang binibigyang panibagong halaga, nabuo rin ni Marylan ang pinakamahalagang obra ng kanyang buhay… isang pamilyang matatag, may dignidad, at may pag-asang haharap sa mas maliwanag na kinabukasan.

Loading