Patuloy na isinasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa MIMAROPA ang mga Pugay Tagumpay Ceremonies bilang pagkilala sa mga pamilyang matagumpay na nakaangat mula sa kahirapan at handa nang harapin ang panibagong yugto ng kanilang buhay matapos magtapos sa programa.
Noong Hunyo 2026, sunod-sunod na isinagawa ang mga seremonya sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon, kabilang ang mga bayan ng Romblon sa Romblon, Paluan sa Occidental Mindoro, Bansud sa Oriental Mindoro, at Agutaya sa Palawan. Sa mga nasabing aktibidad, binigyang-pugay ang mga pamilyang nagpakita ng pagsusumikap, pagtitiyaga, at aktibong pakikilahok sa mga programa at serbisyong naglalayong mapaunlad ang kanilang kalagayan sa buhay.
Sa bayan ng Romblon, kinilala ang 141 graduate households na ginanap sa Multi-Purpose Hall Building. Tampok sa programa ang pagbabahagi ng mga kuwento ng pagbabago, paggawad ng mga sertipiko, at ceremonial turnover ng mga case folders bilang simbolo ng kanilang paglipat mula sa pagiging benepisyaryo tungo sa mas mataas na antas ng kasarinlan. Bilang karagdagang suporta, nagkaloob ang Lokal na Pamahalaan ng limang kilong bigas sa bawat graduate household at tiniyak ang patuloy na pagbibigay ng mga after-care interventions at kabuhayan opportunities.
Sa Bansud, Oriental Mindoro naman, pinarangalan ang 370 graduate households na matagumpay na nagtapos sa programa. Ang seremonya ay nagsilbing pagkilala sa kanilang mga pagsisikap na mapabuti ang kalagayan ng kanilang pamilya at maabot ang mas mataas na antas ng self-sufficiency. Naging daan din ito upang pagtibayin ang ugnayan ng mga graduate households sa mga programa at serbisyong maaaring makatulong sa pagpapanatili ng kanilang mga natamong tagumpay.
Samantala, 63 pamilya naman sa bayan ng Paluan ang pinarangalan sa isinagawang Pugay Tagumpay Graduation Ceremony sa Municipal Gymnasium. Naging tampok sa programa ang pagbabahagi ng mga “Kwento ng Tagumpay” ng mga benepisyaryo at “Kwento ng Pag-agapay” mula sa mga katuwang na ahensya tulad ng PESO, DepEd Alternative Learning System, at Office of the Municipal Agriculturist. Nagpahayag din ng suporta ang lokal na pamahalaan para sa pagpapatuloy ng edukasyon ng mga anak ng mga graduate at sa pagbibigay ng mga oportunidad para sa kanilang kabuhayan.
Sa Barangay Diit, Agutaya naman, kinilala ang 19 exiting households na kabilang rin sa Level 3 at Near-Attainment to Transition (NATT) households. Nakiisa sa pagdiriwang ang mga kinatawan mula sa barangay, paaralan, Municipal Health Office, Municipal Social Welfare and Development Office, at iba pang stakeholders. Bilang simbolo ng suporta sa kanilang bagong yugto, nagkaloob ang Lokal na Pamahalaan ng Agutaya ng pitong kilong bigas sa bawat pamilya.
Ang matagumpay na pagsasagawa ng mga Pugay Tagumpay Ceremonies ay patunay ng mahalagang papel ng convergence at pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan, partner agencies, at iba pang stakeholders sa pagsusulong ng pangmatagalang pagbabago sa buhay ng mga benepisyaryo. Higit pa sa pagkilala sa kanilang pagtatapos sa programa, layunin ng mga seremonyang ito na ipagdiwang ang kanilang paglalakbay tungo sa pagiging mas matatag, mas produktibo, at mas handang harapin ang mga hamon ng hinaharap.
Patuloy na isinusulong ng DSWD 4Ps ang mga hakbang upang matiyak na ang mga graduate households ay mananatiling konektado sa mga serbisyo at oportunidad na makatutulong sa pagpapanatili ng kanilang mga natamong tagumpay. Sa pamamagitan ng Pugay Tagumpay, binibigyang-pugay hindi lamang ang pagtatapos ng kanilang pagiging benepisyaryo, kundi ang pagsisimula ng panibagong kabanata ng pag-asa, kasarinlan, at mas maunlad na kinabukasan para sa kanilang mga pamilya.
###
![]()







