BUSUANGA, PALAWAN – Muling pinatunayan ng kabataang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na walang hangganan ang kayang marating ng sipag, tiyaga, at determinasyon matapos makamit ni Jhimel N. Simproso ng Barangay Panlaitan, Busuanga, Palawan ang Silver Medal sa katatapos na TESDA Regional WorldSkills Competition sa larangan ng Mechatronics.

Bilang bahagi ng koponan mula sa Dualtech Training Center, ipinamalas ni Jhimel at ng kanyang mga kasamahan ang kanilang kahusayan sa industrial automation at control systems, isang larangang nangangailangan ng mataas na antas ng teknikal na kaalaman, kritikal na pag-iisip, at mahusay na pagtutulungan. Dahil sa kanilang natatanging pagganap, nasungkit ng kanilang koponan ang ikalawang pinakamataas na karangalan sa kompetisyon.

Si Jhimel ay dating 4Ps monitored child, at ang kanyang tagumpay ay patunay na ang mga pangarap ng kabataang Pilipino ay maaaring maisakatuparan sa pamamagitan ng edukasyon, kasanayan, at patuloy na pagsisikap.

Mula sa isang kabataang lumaki sa isang pamilyang benepisyaryo ng 4Ps, ngayon ay isa na siyang inspirasyon sa kapwa niya kabataan, lalo na sa mga nagmumula sa mga pamilyang may limitadong oportunidad. Ang kanyang pagkapanalo ay hindi lamang personal na tagumpay kundi isang patunay rin na ang pamumuhunan sa paghubog ng kakayahan at kinabukasan ng kabataan ay nagbubunga ng positibong pagbabago.

Ang tagumpay ni Jhimel ay sumasalamin sa layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga anak ng mga benepisyaryo na makapagtapos ng pag-aaral, mapaunlad ang kanilang kakayahan, at maging produktibong mamamayan ng ating lipunan.

“Ang tagumpay ni Jhimel ay magsisilbing inspirasyon sa maraming kabataang 4Ps na patuloy na nangangarap at nagsisikap upang magkaroon ng mas magandang kinabukasan. Ipinakita niya na kapag may dedikasyon, tamang paggabay, kasabay ng pagsusumikap, kayang maabot ng bawat kabataan ang kanilang mga mithiin,” pahayag ni Regional Program Coordinator Reji A. Pancho.

Ipinapaabot ng DSWD Field Office MIMAROPA at ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang taos-pusong pagbati kay Jhimel N. Simproso sa kanyang natatanging tagumpay sa TESDA Regional WorldSkills Competition. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa iba pang kabataan na patuloy na paunlarin ang kanilang kakayahan at mangarap nang higit pa.

Ang iyong tagumpay ay tagumpay rin ng iyong pamilya, komunidad, at ng buong programang 4Ps. Patuloy kang maging tanglaw at inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga kabataang Pilipino.

Galing ng Kabataang 4Ps, Ipagmalaki natin!

Loading