Sa gitna ng tahimik at napapalibutang kabundukan ng Barangay Yook Proper II sa Buenavista, Marinduque, matatagpuan si G. Ari Jay P. Reanzares, isang amang buong tapang na hinaharap ang hamon ng buhay bilang solo parent. Sa edad na 38, hindi naging madali para sa kanya ang pagsabayin ang pag-aaruga sa kanyang mga anak at paghahanap ng paraan upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Ngunit sa kabila ng hirap, pinili niyang manatiling matatag at patuloy na pangarap para sa mas maayos na kinabukasan ng kanyang pamilya.

Nagkaroon ng bagong pag-asa si G. Reanzares nang mabigyan siya ng pagkakataong makabilang sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD Field Office MIMAROPA sa tulong ng kanilang barangay. Noong ika-17 ng Hulyo 2024, nakatanggap siya ng mahigit ₱15,000.00 na seed capital na nagsilbing panimula ng kanyang maliit na kambingan.

Agad niyang ipinuhunan ang natanggap na tulong sa pagbili ng apat na kambing na binubuo ng isang turo, dalawang dumalaga, at isang inahin. Bukod dito, dumalo rin siya sa Financial Literacy at Micro Enterprise Development Training na isinagawa ng SLP noong 2024. Sa pamamagitan ng mga pagsasanay na ito, nadagdagan ang kanyang kaalaman sa tamang paghawak ng kita at pamamahala ng maliit na negosyo.

Sa loob ng mahigit isang taon, unti-unting lumago ang kanyang alaga mula apat ay naging walong kambing. Hindi man naging madali ang kanyang paglalakbay dahil sa mga pagsubok tulad ng pagkakaroon ng sakit sa kanilang lugar na nakakaapekto sa mga alagang hayop, hindi siya pinanghinaan ng loob. Sa halip, lalo siyang nagsumikap upang mapanatiling maayos at malusog ang kanyang mga alaga.

Dahil sa kanyang tiyaga, nakapagbenta siya ng isang kambing na kanyang ginamit upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga anak, kabilang ang kanilang gamit sa paaralan at iba pang gastusin sa bahay. Sa bawat pagdami ng kanyang alaga, kasabay rin nitong lumalawak ang kanyang pag-asa na balang araw ay nakapag patayo siya ng sarili niyang kambingan.

“Hindi ko masasabi na nakatulong sa akin ang SLP kundi malaki talaga ang naitulong nito lalo na sa panahon ng kagipitan,” pagbabahagi ni G. Reanzares. Dagdag pa niya, “Hindi ka bibigyan ng biyaya kung hindi ka magtitiyaga sa pag-aalaga.”

Ang kwento ni G. Reanzares ay isang inspirasyon na nagpapatunay na sa tulong ng sipag, tiyaga, at tamang oportunidad, ang simpleng pangarap ay maaaring maging daan tungo sa mas maayos at mas matatag na kinabukasan para sa pamilya.

Loading