Labintatlong taong gulang pa lamang si Jecille Arah Moraña Costales nang una siyang makilala bilang isang batang may malaking pangarap.
Mula sa Calintaan, Occidental Mindoro, si Jecille ay itinanghal na Regional Exemplary Pantawid Pamilya Child ng MIMAROPA noong 2017. Sa murang edad, dala na niya ang paniniwalang ang edukasyon ay hindi lamang susi sa sariling tagumpay, kundi isang daan upang makatulong sa pamilya at maging inspirasyon sa kapwa kabataan.
Hindi nagtagal, mas lalo pang lumawak ang kaniyang kuwento nang siya ay hiranging 2017 National Exemplary Pantawid Pamilya Child.
Noong mga panahong iyon, pangarap pa lamang ni Jecille ang maging isang Certified Public Accountant.
Ngayon, makalipas ang siyam na taon, masasabi niyang isa na namang pangarap ang kaniyang natupad.
Noong Setyembre 2026, nagtapos si Jecille ng Bachelor of Science in Accountancy sa Polytechnic University of the Philippines Manila, na may karangalang Magna Cum Laude.
Ngunit higit pa sa medalya at titulong nakamit, mas mahalaga ang kuwento ng pagsisikap na nasa likod nito.
Sa loob ng apat na taon, ilang beses ding nasubok ang kaniyang kakayahan at paninindigan.
Mula sa isang batang dating sanay sa pagkakaroon ng mataas na marka, naranasan din niyang bumagsak sa isang major subject quiz.
Doon niya muling hinarap ang isang tanong, “Kaya ko ba?”
At sa paglipas ng panahon, natagpuan niya ang sagot, “Kaya ko pala.”
Hindi naging madali ang paglalakbay ni Jecille. Ngunit sa bawat pagsusulit, pagkakamali, puyat, pagod, at pagdududa, pinili niyang magpatuloy.
At bunga ng kaniyang tiyaga, pitong beses siyang President’s Lister at isang beses Dean’s Lister. Naging iskolar din siya ng iba’t ibang institusyon at programa, kabilang ang CHED TES, P&A Grant Thornton, BES HNS Foundation, Inc., at Card Bank, Inc.
Hindi lamang sa loob ng silid-aralan niya hinasa ang kaniyang kakayahan. Naging Audit and Assurance Intern din siya sa R.G. Manabat & Co. (KPMG in the Philippines), habang aktibong nakikilahok sa mga organisasyon sa PUP Manila.
Ngunit sa likod ng bawat parangal ay hindi lamang si Jecille.
Kasama niya ang kaniyang pamilya na patuloy na nagsakripisyo at sumuporta. Kasama niya ang mga kaibigan, guro, iskolarship providers, donors, at lahat ng taong naniwala sa kaniyang kakayahan.
At kasama rin niya ang batang si Jecille… ang batang minsang nangarap sa kabila ng limitadong kakayahan at piniling huwag sumuko.
Mula sa isang batang kinilala dahil sa kaniyang husay at huwarang pag-uugali, lumaki si Jecille na patuloy na pinatutunayan na ang pangarap ay maaaring maging realidad kapag sinabayan ng sipag, tiyaga, at pagkakataon.
Ang kaniyang kuwento ay patunay na ang suporta at oportunidad ay maaaring maging simula ng isang mas magandang kinabukasan.
Dahil ang isang batang nabigyan ng pagkakataong mangarap ay maaaring maging isang kabataang may kakayahang baguhin ang kaniyang sariling buhay… at balang araw, maging inspirasyon naman sa iba.
Noong 2017, si Jecille ay isang batang nagsasabing:
“Walang mahirap sa batang may pangarap.”
Noong 2026, isang bagay na ang malinaw niyang masasabi, “Nakaya ko.”
At hindi pa rito nagtatapos ang kaniyang kuwento.
Sa susunod niyang pangarap, ang Certified Public Accountant, bitbit niya ang lahat ng kaniyang natutunan, ang mga sakripisyong pinagdaanan, at ang mga taong naniwala sa kaniya.
Mula sa pagiging 4Ps National Exemplary Child, naging Magna Cum Laude.
Mula sa isang batang nangangarap, naging isang kabataang may kakayahang mangarap para sa mas marami.
Ito ang Galing sa 4Ps.
Ito ang Galing ng 4Ps.
At ito ang kuwento ni Jecille Arah Costales… isang batang natutong mangarap, isang kabataang piniling magpatuloy, at isang huwarang patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa iba. 🎓✨
![]()



