BULALACAO, Oriental Mindoro — Sa kabila ng humigit-kumulang isang oras na paglalakad upang marating ang komunidad, sama-samang naghatid ng iba’t ibang pangunahing serbisyo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office MIMAROPA, sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kasama ang Pamahalaang Lokal ng Bulalacao at iba pang katuwang na institusyon sa Sitio Waring, Barangay Benli, Bulalacao, Oriental Mindoro, ngayong Oktubre 21, 2026.

Bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Katutubo (Indigenous Peoples Month), layunin ng gawaing ito na mailapit ang mga pangunahing serbisyo sa mga pamilyang katutubo at iba pang miyembro ng komunidad, kabilang ang mga benepisyaryo at hindi benepisyaryo ng 4Ps. Mahigit-kumulang 200 benepisyaryo at 200 mag-aaral sa elementarya at high school ang nakinabang sa iba’t ibang tulong at serbisyong hatid ng mga katuwang na ahensya at organisasyon.Sa pangunguna ng 4Ps, naging posible ang gawaing ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, mga organisasyong panrelihiyon, at iba pang institusyong may iisang layunin, ang matiyak na ang mga serbisyong panlipunan ay umaabot maging sa mga komunidad na malayo sa sentro ng bayan.

Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang pamamahagi ng mga preloved na damit mula sa mga kawani ng 4Ps, school supplies mula sa Dualtech Training Center, at feeding program na pinondohan ng Pamahalaang Lokal ng Bulalacao. Namahagi rin ng Yakult health drinks at mga punla upang suportahan ang kalusugan at kagalingan ng mga bata at mahikayat ang pangangalaga sa kapaligiran.

Nagkaroon din ng libreng serbisyo at tulong para sa civil registration sa pamamagitan ng Local Civil Registrar (LCR), pagpaparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys), Protektodo insurance ng Palawan Group of Companies, at libreng pagpapagupit mula sa 1st Infantry Battalion ng Philippine Army. Nagkaloob din ng libreng water filter at timba sa pamamagitan ng inisyatiba ni Konsehal Jerus Jade B. Reyes.

Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng pag-unlad ng pamilya, nagsagawa rin ang 4Ps ng Family Development Session (FDS) na nakatuon sa pagpapatibay ng ugnayan ng pamilya (Family Relationship Strengthening). Kasabay nito, isinagawa ang talakayan sa Tamang Tulong sa Tamang Impormasyon (3Ti) upang palakasin ang kaalaman ng mga kalahok sa wastong impormasyon tungkol sa programa at sa responsableng pagtanggap ng tulong mula sa pamahalaan.

Naging katuwang sa gawaing ito ang Bulalacao Evangelical Ministries Association sa pangunguna ni Pastor Elmer Calcana; Dualtech Training Center; Palawan Group of Companies; Pamahalaang Lokal ng Bulalacao, kasama ang mga lokal na opisyal, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at mga konsehal na sina Jerus Jade Reyes at Rogel Evangelio; 1st Infantry Battalion ng Philippine Army, na kinatawan ni 1st Lt. Alkhaizer Abudar; Municipal Agriculture Office (MAO); Municipal Health Office (MHO); Philippine Statistics Authority (PSA); Local Civil Registrar (LCR); Department of Education (DepEd), sa pamamagitan ng Waring Elementary School at Waring Katutubong Mangyan High School; National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), na kinatawan ni G. Albert Caring; Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Aceron Calinog; at ang Municipal Operations Office ng 4Ps sa Bulalacao at Provincial Operations Office ng Oriental Mindoro.

Ipinakita ng pagtutulungang ito na ang paghahatid ng serbisyo ay hindi lamang responsibilidad ng iisang ahensya. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, napagsasama ang mga kakayahan at resources ng iba’t ibang sektor upang mas mapalawak ang abot ng serbisyong panlipunan, lalo na para sa mga komunidad na nahaharap sa hamon ng lokasyon at limitadong akses sa mga pangunahing pangangailangan.

Sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Katutubo, muling binibigyang-diin ng DSWD 4Ps ang kahalagahan ng serbisyong inklusibo, makatao, at sensitibo sa kultura ng mga komunidad. Ang ganitong mga inisyatiba ay nagsisilbing paalala na ang bawat pamilya, anuman ang lokasyon o katayuan sa programa, ay nararapat na mabigyan ng pagkakataong makinabang sa mga serbisyong makatutulong sa kanilang pag-unlad.

Sa huli, higit pa sa mga materyal na tulong ang naihatid sa Sitio Waring. Pinatunayan ng gawaing ito na sa pamamagitan ng matibay na ugnayan ng pamahalaan, mga katuwang na organisasyon, at ng mismong komunidad, mas nagiging posible ang paghahatid ng serbisyo at pagbuo ng mas matatag, inklusibo, at maunlad na kinabukasan para sa mga pamilyang katutubo. ###

Loading