Sa maliit na kubo na yari sa pinagtagpi-tagping plywood, sako at nipa, ginugugol niya ang kanyang boung maghapon. Naghihintay, nangungulila at mag-isang nilalabanan ang dagok ng kahirapan sa bawat araw na lumilipas.
Siya si Flora Bullag, 83 anyos at residente ng Barangay Panacan II, Narra, Palawan. Sa kanyang edad, hindi na siya halos makalakad, hirap ng gumalaw. Hindi na rin siya halos makarinig at nahihirapan na ring makakita. Bagama’t may mga anak siya na dapat umaalalay sa kanyang katandaan, wala ni isa sa mga ito ang na sa kanyang tabi.
“May dalawa akong anak na lalaki si Danilo na nasa El Nido (Palawan) at si Jessie na naninirahan sa Panay (Capiz). Kapwa nasa malayo at may kanya kanyang pamilya na rin,” tugon ni LoLa Flora.
Dulot umano ng matinding kahirapan, naisipan nilang lisanin ang Panay, Capiz at piniling manirahan sa Narra, Palawan. Kapiling ang kanyang asawa, nanirahan sila ng matiwasay sa bagong lugar at doon na biniyayaan ng tatlong anak na lalaki.
“Ang isa sa pinakamasakit na nangyari sa buhay ko ay ang mawalan ng anak.” Taong 1988 nang mamatay ang pangatlo nitong anak dahil umano sa sakit habang yakap-yakap niya. Ilang taon lang din ang nakalipas ng sumunod at namatay ang kanyang asawa. Dito na nagsimula ang kanyang pamumuhay ng mag-isa.
Kasalukuyan, si lola ay isang benepisyaryo ng Social Pension, programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan nagbibigay tulong pinansyal sa mga mahihirap na Senior Citizens na may edad 77 anyos pataas. Siya ay isa lamang sa 11,953 na benepisyaryo ng programa sa boung MiMaRoPa. Sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTSPR), isang pamamaraan ng departamento sa pagkilala kung ‘sino at nasaan’ ang mahihirap na sambahayan sa ating bansa, natukoy ang tulad ni Lola Flora na nangangailangan ng kaukulang tulong.
“Ang perang binibigay sa akin ay ginagamit ko pambili ng bigas at ulam, gamot at minsan naman damit,” wika niya. “Malaking biyaya talaga ito sa aming matatandang mahihirap na walang ibang pwedeng asahang tulong.”
Bagama’t umano’y nagbibigay tulong pinansyal ang kanyang mga anak, hindi pa rin ito sapat. “Nagpapadala naman sila sa akin ng pera, minsan P500.00 pero bihira lang”, dagdag niya.
Dito napansin ko ang hawak-hawak niyang itak. “Ang itak na ‘to ay ang nagsisilbing panlaban ko sa anumang masasama”, sabi niya. Napagtanto ko na sa kabila ng kanyang kahinaan, pinilit niyang mamuhay ng masaya at matatag. Sa tulong na rin ng kanyang mga kapit-bahay ay naitatawid niya ang kanyang araw-araw na pangangailangan.
“Salamat sa Diyos at may programa (Social Pension) ang gobyerno tulad nito, dahil kung wala hindi ko alam kung paano pa ako patuloy na mamumuhay”, ang masayang pasasalamat ni Lola Flora.
Larawan si Lola Flora ng katatagan, sa kabila ng kanyang pag-iisa nalalampasan niya ang araw-araw na hamon ng buhay. Ngunit hindi rin maikukubli sa kanyang mga mata ang tunay niyang nararamdaman: ang kalungkutan, pangungulila at pananabik. Hindi lamang tulong pinansyal ang kanyang pinanabikan kundi ang makapiling ang kanyang mga anak at apo at maramdamang muli ang pagpapahalaga at pagmamahal mula sa mga ito.###