Ang Bagong “Ako”
Ni Linelyn K. Juanzon
Paano ba binago ng KALAHI ang pananaw ko sa buhay? Bago dumating ang KALAHI-CIDSS sa aming barangay ay isa lamang akong simple at ordinaryong mamamayan na hindi nakikialam sa lahat ng usaping may kinalaman sa barangay lalo’t higit sa usaping imprastraktura, sa mga proyektong naipapagawa at sa usaping pangkabuhayan. Oo, nakikita ko ang bawat galaw ng aking mga kababayan, pero hindi ko nalalaman na sa likod ng mga pangyayari ay mayroong mas malalim pa na kwento na aking matutuklasan. Ang pang araw-araw kong buhay ay umiikot lamang sa pagtuturo ( dahil isa akong day care worker, sa pagsisimba, at sa mga usaping napapaloob sa aming tahanan). Katwiran ko noon, nariyan ang mga kagawad at kapitan na syang namumuno at sila lang ang may karapatan sa mga usaping pambarangay.
Dumaan ang unang siklo ng KALAHI-CIDSS MCC na hind ako dumadalo sa mga Barangay Assembly, bagamat isa ang aming barangay sa mga na prioritize, at nabigyan kami ng isang silid aralan, katwiran ko parang ang gulo gulo ng proseso at hindi na ako dapat na nakikialam dahil masyado na silang marami. Sa unang Barangay Assembly ng pangalawang siklo, napadaan ako at tinawag ng isang volunteer na syang umaakto na bookkeeper. Nagpapatulong sya sa paggawa ng minutes ng nangyayaring BA. Tinulungan ko sya sa pag gawa kung paano at habang nakikinig ako sa presentasyon ng mga volunteer, nagkainteres akong malaman kung anu ba ang KALAHI at ano ba ang layunin nito. Nang matapos ang Barangay Assembly at nakihalubilo ako sa mga volunteer, napukaw nito ang aking interes na matuto at makilahok. Nang maihalal ako bilang isang BSPMC Chairperson, tuluyan nitong binago ang aking mga pananaw sa buhay lalo na sa usaping proyekto sa barangay at sa usaping pangkabuhayan. Naging aktibo ako sa larangan ng pakikilahok, pakikialam, at pagmamalasakit lalo na sa aming mga kababayan na nasa malalayong sityo.
Hindi naging madali para sa akin ang maging isang Barangay Sub-Project Managament Committee Chairperson, pero dito ko nalaman na may kakayahan pala ako na maging isang lider. Naging isang hamon sa akin ang pamumuno dahil ako ay isang babae at hindi degree holder. Natakot ako na baka hindi ko makaya at ako ay pumalpak sa tungkuling iniatang sa akin at ipinagkatiwala sa akin ng aking mga kababayan . Sinikap kong gawin ang lahat ng aking makakaya at tanggapin ang bawat hamon ng mayroong pagnanais na matuto. Ang una kong pinagsikapang gawin ay ang pagdalo sa lahat ng trainings at seminar na isinasagawa ng KALAHI. Lahat ng community volunteers training ay aking dinadaluhan, sa pagnanais na mapuno ako ng lahat ng kaalamang aking kinakailangan. Sumakit ang ulo ko sa pag aaral lalo na pagdating sa finance at engineering details. Katwiran ko balang araw ay magagamit ko ang mga kaalamang ito .
Hindi na prio ang aming barangay sa pangalawa at pangatlong siklo ng KALAHI MCC. Pero hindi pa rin kami sumuko, dahil talagang kailangan namin ng mga proyekto, lalo na at ang aming barangay ang pinakamalayong barangay sa BAYAN NG CALATRAVA. Sa loob ng mga panahong iyon ay napakarami na ng aming natutuhan, hindi lamang ako kundi maging ang aking mga kapwa volunteer. Isa na doon ang mabuting pagsasamahan sa pagitan ng mga community volunteer at sa mga opisyales ng barangay. Naging kaibigan namin ang mga kawani sa munisipyo at ang mga staff ng KALAHI, bagamat minsan ay nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan dahil sa mga hinahabol na deadlines. Nalaman namin sa paulit ulit na Barangay Assembly na marami pala ang mga hinaing ng aming mga kababayan na mas nangangailangan ng agarang katugunan. Nalaman ko ang bawat maliliit na detalye sa barangay TALISAY na akala ko noon ay hindi mahalaga, kagaya ng total na populasyon, total households, etc.
Sa unang siklo ng KALAHI NCDDP, pinalad na ma prio ang aming barangay sa isinulong na proyektong seawall na matagal ng inaasam ng aming mga kababayan. Sa malaking pondo na aming hahawakan, alam ko na malaki ang responsibilidad na nakaatang sa akin bilang BSPMC. Naging abala ang lahat sa pag aasikaso ng lahat ng dokumentong kakailanganin sa mangyayaring implementasyon. Kasabay nito ang mga trainings and seminar na isinasagawa, at ang mga deadlines ng hinihinging dokumento. Sa lahat ng iyon, ipinagpapasalamat ko ang 100% na suporta ng BLGU, sa mga Barangay Assembly, at transportasyon kung may mga ipinapatawag na workshop. Ipinapahatid kami ng aming kapitan sa bayan kapag wala kaming masakyang Bangka, at ipinapasundo sa bayan tuwing kami’y inaabot ng gabi. At ang aming mga bolunter, ay nagtiya-tiyagang maglakad mula Brgy. Linao hanggang Brgy. Talisay, kapag malakas ang alon para lamang maipasa ang mga dokumento.
Personal kong pinamamahalaan ang lahat ng nangyayaring transaksyon mula sa canvassing, delivery ng mga materyalis at on-going na implementasyon. Hindi ito naging madali para sa akin, marami ang umugong na haka haka na hindi ito matatapos. Nag umpisa akong maging mahigpit lalo na sa pagsunod sa oras, sa isang araw na bayanihan, sa pagsuot ng PPE, at sa inventory ng mga materyalis sa bodega. Natutunan kong makiharap sa mga imposibleng supplier ng mga materyales. At sa mga nagtatampong mga volunteer at mga tatamad tamad na mga laborer. Sa buong panahon ng implementasyon, narito ang mga challenges na aking kinaharap at ang mga solusyong aking ginawa ( kasama ng mga volunteer) para maging maayos ang takbo ng implementasyon:
- Sa paghuhukay, naging paulit ulit ang tambak ng buhangin sa hinuhukayan naging dahilan ng pagbagal ng accomplishment ng trabaho. Pinag usapan namin sa execom, kasama ang TWG at ang mga staff ng KALAHI ang magandang maaring gawin para mas mapabilis ang implementasyon.
- Kakulangan sa laborer, dahil walang nag aaply sa paghuhukay dahil mahirap at mabigat na trabaho. Gusto ng ibang mga laborer na sa mas madaling gawain na sila magtatrabaho. Gumawa kami ng isang resolusyon na kung walang mag aaply ng trabaho sa paghuhukay ay ang mga trabahador o mga laborer na maghuhukay ang sya ding magtatrabaho sa pagbubuhos o finishing na ng seawall.
- Na discourage ang mga volunteer sa maraming mga komento na hindi matatapos ang proyekto ay ubos na agad ang budget o pondo para dito. Nagpulong ang mga volunteer sa pamamagitan ng execom at ine-encourage sila na pagbutihin lang ang ginagawa at hayaan ang mga komento sa labas. Ipinaliwanag sa BA ang lahat ng technicalities ng proyekto sa tulong ng mga engineers ng KALAHI at munisipyo.
- Dahilan sa malayo at palagiang malakas ang alon, nagkukulang kami sa supervision ng mga technical facilitators, kaya pinag aralan ko bilang BSPMC ang engineering details ng proyekto para malaman ko kung tumatakbo pa ba ito sa tama at nakakasunod hanggang sa makatapos kami ng mayroon pang pondo at sapat na panahon.
- Para makatipid at makasiguro na hindi kami kakapusin. Nakipag ugnayan ako sa mga lider ng lahat ng organisasyon sa BARANGAY upang humingi ng bayanihan sa kanila. Gaya ng KALIPI, fisherfolk at farmers, community volunteers at ERPAT. Ang mga opisyales ng barangay ay paulit ulit at hindi nagsasawa sa pagbibigay ng bayanihan sa buong panahon ng implementasyon.
Naging mahalagang isyu sa implementasyon ang pagtatrabaho ng mga kababaihan sa isinasagawang proyekto. Pinag uusapan ang mga kakayahan ng mga babae kumpara sa mga lalaki.
Para masagot ang nasabing isyu, isa sa inimbitahan sa BA, ay ang MSWDO para ipaliwanag ang pantay na karapatan ng mga kababaihan pagdating sa pagtatrabaho at sa tatanggaping sweldo. Ang anumang problema sa isinasagawang implementasyon ay idinaan sa EXECOM para sa sama samang pagpaplano at pag iisip ng solusyon, paghingi ng opinyon sa mga tamang tao na nakakaalam ng mga detalye lalo na pagdating sa engineering details. Pakikinig sa suhestiyon ng mga on-lookers at mga standby sa tabi tabi, sa mga payo ng mga nakatatanda at pagbibigay ng halaga sa suhestiyon ng mga barangay opisyal. Naging mahigpit ang aking pagrerepaso lalo na sa mga papel na may kinalaman sa kaperahan at naging maingat sa pagpirma sa mga tseke, at mga voucher na pinapipirmahan. Nagamit ko sa implementasyon ang mga natutunan ko sa mga trainings and seminar na aking pinagdaanan.
Naging daan ang aking pagiging bolunter, sa kung anu ang aking pananaw sa ngayon. Mula sa pagiging isang ordinaryong mamamayan, naging lider ako ng mga organisasyon sa aming Barangay gaya ng SAUMATA (Samahan ng Mga Ulirang Mamamayan ng Talisay), KALIPI, at RURAL IMPROVEMENT CLUB sa ilalim ng Agrikultura. Kasama sa mga trainings at seminar sa loob man o sa labas ng bayan ng Calatrava. Kasama sa Local Poverty Reduction Team at ginagampanan ang papel ng secretary sa LPRAT. Myembro ng iba’t ibang organisasyon sa munisipyo na nagre representa sa Barangay Talisay.
Saludo ako sa layunin at proseso ng KALAHI, hinubog nito ang karamihan sa mamamayan sa pakikilahok at pakikialam. Tinuruang maging transparent ang BLGU at mga mamamayan sa mga gagawing proyekto. Naibigay sa mamamayan ang mga proyektong mas tunay na kinakailangan. Binigyan nito ng kapangyarihan ang mga ordinaryong mamamayan na direktang hawakan at pamahalaan ang isinasagawang proyekto. Binigyan nito ng pagkakataon ang mga mamamayan na matuto ng tamang proseso. Naniniwala ako na kapag lubos na naunawaan ng mga tao ang proseso ng KALAHI mas magiging maunlad pa an gating bayan. Walang maiiwanan, lahat ay magkakaroon ng pagkakataong paunlarin ang kanyang sarili, makatulong sa kapwa at sa kanya kanyang lugar na kinabibilangan. Nagkaroon ng katuparan ang layunin ng KALAHI. Ang mabigyang kapangyarihan ang mamamayan, magkaroon ng maayos na pamamahala at maibsan ang kahirapan.
Sa ngayon, hindi kami na-prio sa pangatlong siklo ng KC NCDDP. Pero may boses na kami para ilapit sa iba’t-ibang ahensya ang mga problema na hindi napondohan ng KALAHI. Natuto na kaming gumawa ng project proposal at hindi na kami nangangamba na matengga na lang o mawalan ng saysay ang mga problema na natukoy at ginawaan ng dokumento ng aming mga boluntaryo. Sinisikap ko na palakasin ang loob ng aking mga kapwa bolunter, maging ng mga barangay opisyal na nawawalan ng pag asa dahil sa hindi kami na-prio. Pinagsisikapan ko na kahit wala kaming proyekto sa ngayon mula sa KALAHI, hindi doon natatapos ang aming ugnayan bilang volunteer, na marami pa rin kaming magagawa para sa barangay, at sa aming mga kabababayan. Ipinapaunawa ko sa kanila na ang pagiging bolunter ay walang limitasyon at walang sukatan. Basta nagmumula sa puso ang pagnanais na makapaglingkod.
Isa sa pinapangarap ko bilang isang lider na mayroon pang uusbong na panibagong lider magmula sa aking mga kapwa volunteer na magnanais na maglingkod ng walang kapalit para sa kapakanan ng aking mga kababayan. Lalo na at marami sa mga kabataan sa ngayon ang nakatambay lamang at walang ginagawa. Pangarap ko na mahikayat sila at mabigyan ng pagkakataon na makilahok at sa kanila magsisimula ang mga lider na tapat, maaasahan, walang itinatago at may malasakit sa kapwa at sa bayan. Sinisikap kong gawing isang organisasyon ang mga bolunter sa komunidad, organisasyon na kaagapay ng lokal na pamahalaan sa pagpaplano, pagsasagawa, at pagmamasid ng mga isinasagawang proyekto. Organisasyon o samahan na magsisilbing daluyan ng mga tamang impormasyon mula sa lokal na pamahalaan patungo sa mga ordinaryong mamamayan. Samahan na uupo sa Barangay Development Council o sa Municipal Development Council upang idulog ang mga problema ng aking mga kababayan. Samahan na magsisilbing tulay tungo sa pagbabago.
###
This is one in the stories in the series of “Building CDD Champs” stories of transformation by Kalahi CIDSS Stakeholders. This story was written by Miss Linelyn Juanzo, a Barangay Sub-Project Management Committee Chairperson of Brgy. Talisay in the town of Calatrava in the province of Romblon.