Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang dalawang skills training sa bayan ng Rizal, Palawan.
Unang isinagawa ang ‘Skills Training on Banana and Pineapple Intercropping’ noong Enero 24 at 25 sa Barangay Culasian na dinaluhan ng 102 beneficiaries ng Modified Conditional Cash Transfer for Indigenous People in Geographically Isolated and Disadvantage Area (MCCT-IP in GIDA) na nagmula sa nasabing lugar, gayundin sa Barangay Candawaga. Ito’y sinundan ng ‘Skills Training on Corn Production’ nitong Enero 26 at 27 sa Barangay Punta Baja na dinaluhan naman ng 74 benefeciaries ng naturang barangay.
Ang mga nasabing pagsasanay ay isinagawa sa pangunguna ni Lilibeth L. Quilang, Municipal Link. Layunin ng nasabing mga programa ang turuan ang mga IPs upang matulungan silang magkaroon ng sapat na pagkakakitaan na makakatulong sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay.
Ayon kay Anitel B. Bitoon, Project Development Officer, ang MIMAROPA region lang ang may ganitong programa sa buong Pilipinas, kung saan magsasagawa sila ng skills training para sa mga beneficiaries, mamimigay ng mga binhi, abono at maging mga kagamitang kailangan sa pagtatanim. Ang mga benepisyaryo ay bibigyan ng 11 working days para sa pagtatanim ng kanilang mga punla sa sariling lupa, kung saan sila ay babayaran ng Php206 kada araw ng pagtatrabaho. Pagdating naman ng anihan, ang DSWD na rin ang bahalang maghanap ng bibili ng kanilang mga produkto at sila rin ang maghahati-hati ng kanilang benta. Dagdag pa ni Bb. Bitoon, umpisa pa lang ito sa ilan pang mga nakalinyang skills training na kanilang isasagawa sa iba pang barangay sa bayan ng Rizal.
Ayon naman kay G. Goldino R. Pitogo, 54 taong gulang at isa sa mga benepisyaryo ng Bgy. Punta Baja, napakalaking tulong sa kanya ang naturang training. Sampung taon na siyang nagtatanim ng mais at sa pamamagitan nito ay napatapos niya ng kolehiyo ang isa sa lima niyang anak at ngayon ay isa nang guro ng elementary school sa Brooke’s Point. Aniya, ngayon niya lang nalaman kung paano at ano ang pataba ang dapat gamitin sa kanyang pananim at ngayon niya lang din lubos na naintindihan na dapat talagang lagyan ng pataba ang kaniyang pananim para mas dadami pa ang kaniyang aanihin dulot na rin ng kondisyon ng kanyang lupa. Galak na galak niyang pinasalamatan ang mga 4th year BS Agriculture students ng Palawan State University Rizal Campus sa pangunguna ng kanilang director na si Gng. Melodia C. Salimbagat at adviser na si Bb. Michelle M. Bungalso. Sila Salimbagat at Bungalso ang nagsilbing resource speakers sa nasabing skills training.
Sa buong MIMAROPA Region, ang Palawan ang may pinakamaraming benepisyaryo ng MCCT-IP na umaabot sa humigit kumulang 7,000 IPs.### (Janice L. Quezon)
Source: Palawan News