ORIENTAL MINDORO –Matagumpay na idinaos ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) – MiMaRoPa sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ang pagtatapos ng mga iskolar nito sa iba’t ibang kursong bokasyonal na ginanap noong ika-9 hanggang ika-11 ng Agosto 2017.
Katuwang ang mga Technical Education Skills Development Authority (TESDA)-accredited schools at training centers, 400 na iskolar sa kabuuan mula sa iba’t ibang bayan ng Oriental Mindoro ang tumanggap ng sertipiko ng pagtatapos sa mga kursong electronics, masonry, welding, housekeeping, at scaffolding.
Electronic Products Assembly and Servicing NC II
Kaagapay ang Pinamalayan School of Science and Technology (PPST) Inc. at Wellcare Institute of Science and Technology (WIST), 165 trainees mula sa mga bayan ng Pola at Pinamalayan ang nagtapos sa kursong Electronic Products Assembly and Servicing NC II.
Ginanap sa Immaculate Heart of Mary Academy sa bayan ng Pinamalayan ang nasabing seremonya. Ilang kinatawan ng mga electronics companies ang dumalo sa pagtatapos upang humingi ng mga résumé sa mga nagsipagtapos. Sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga iskolar na makahanap agad ng trabahong papasukan.
Housekeeping, Masonry, at Welding
Katuwang naman ang Southwestern College of Maritime, Business, and Technology (SCMBT), 166 trainees mula sa Baco, Calapan, at San Teodoro ang nagtapos sa kursong housekeeping, masonry, at welding.
Ayon kay Dr. Marivic Fernandez, bise presidente ng SCMBT, “Malaking tulong talaga ang partnership ng DSWD at SCMBT sa pag-meet ng objectives ng both parties. Hindi lang ang mga trainees ang natutulungan kundi pati na rin ang mga institutions tulad namin na nagbibigay ng ganitong serbisyo.”
Scaffolding
Katuwang ang Probaton, 69 trainees naman ang nagtapos sa kursong scaffolding. Ipinagmamalaki ng direktor ng institusyon na si Engr. Belly Goleña ang kanyang mga estudyante sapagkat napagtagumpayan nila ang masinsinang pagsasanay na ito noong ika-6 hanggang ika-27 ng Hulyo ngayong taon. “They are fully equipped because sa umaga may lecture tapos the rest of the day ay actual demonstration sila. Nag-train sila sa scaffolding dahil sustainable. Sa fishing kasi kaunti na ang isda and sa farming naman ay may El Niño. Dito sa scaffolding, it takes only a maximum of 21 days of training tapos pwede ka na sumabak sa trabaho”, dagdag pa nito.
Ayon kay DSWD MiMaRoPa Regional Project Coordinator Domingo V. Agra, “Ang hangad namin pagkatapos ng training ninyo ay magkaroon kayo ng hanapbuhay na magsusustento sa inyong sarili at pamilya. Hangad namin na mayroong isang miyembro ng pamilya na makapagtapos ng isang kurso sa kolehiyo o makapaghanapbuhay. Iyan ang isa sa aming objectives sa SLP.”
“Ihanda natin ang mga sarili sa pagbabago. Bilang mga naghahanapbuhay, dapat ready tayo to be inspired by our family at pati na rin makakilala ng mga tao sa ibang environment,” dagdag ni Ginoong Agra.
“Napawi ang lahat ng sakripisyo at hirap sapagkat naiwan sa amin ang karunungan na aming pinag-aralan at ito rin ang magiging simulain o hagdan upang kami ay makapagtrabaho ng mas marangal at kapaki-pakinabang. Ipinapangako po namin na ang aming natutunan ang aming kalasag upang makatawid sa kahirapan katulad ng layunin ng programang aming kinabibilangan,” ayon kay Mark Henson Martinez, isa sa mga nagtapos ng Scaffolding.
Ang SLP ay isa sa mga pangunahing programa ng DSWD na nagpapaunlad ng kakayahan ng mga kalahok ng programa upang matulungan ang mga ito na itaas ang antas ng kakayahan nila upang madaling makahanap ng trabahong nais nilang pasukan. Sa pamamagitan ng skills training tulad ng mga nabanggit, nabibigyan ng pagkakataon ang mga ito na hasain ang kakayanan sa napiling training at mapaangat ang pangkabuuang antas ng pamumuhay.